PatrolPH

'Magulang na nanghihiya ng guro may kalalagyan sa batas'

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 04:29 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Minsan, kapag dinidisiplina ng guro ang isang batang sumuway sa utos ng guro, nakakarating ito sa magulang na siyang susugod sa eskuwela para pagalitan ang guro. 

Pero nagbabala ang isang abogado na may kalalagyan sa batas ang mga magulang na maninindak ng guro ng kanilang anak, lalo't pasok ito sa kasong direct assault to persons in authority, alinsunod sa Article 51 ng Revised Penal Code. 

"Minsan [overreacting] ang parents eh... Kahit na sabihin natin na wala na si teacher sa premises, tinakot mo inintimidate mo, because of what she did sa anak mo," paliwanag ng abogadong si Claire Castro sa programang "Usapang De Campanilla." 

Pasok kasi sa tinatawag na "persons of authority" ang mga namumuno ng mga paaralan, maging ang mga guro ng mga ito. 

Kasabay nito, nagpaalala si Castro sa mga magulang na "maghinay-hinay" lalo na kung sinaway lang naman ng guro ang estudyante. 

Nagpapaalala din si Castro sa mga guro na huwag gumamit ng dahas kapag pinapagalitan ang mga estudyante. 

"Sa mga teacher naman, alam niyo namang person in authority kayo, kung nagagalit kayo sa estudyante niyo huwag niyong daanin sa pisikal [na pamamaraan] ang mga bata kasi nato-trauma. Napapahiya naman kasi talaga sila 'pag nasisigawan o ano, We can do it in a nicer way," ani Castro. 

Prision correcional o pagkakakulong na 6 buwan hanggang 6 taon ang parusa sa sino mang mahahatulan ng direct assault. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.