Magkasintahan di napigilan ng lindol, nagpakasal sa tent sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 12:46 PM | Updated as of Dec 18 2019 08:18 PM

 

KIBLAWAN, Davao del Sur — Nagpakasal sa loob ng emergency shelter ang isang magkasintahan sa bayang ito, Miyerkoles, matapos masira ng lindol ang munisipyong dapat sana'y pagdadausan ng kanilang pag-iisang dibdib. 

Hindi gaya ng ibang kasal na may prosesyon, dumiretso sa seremonya sina Manilyn Dapusala at Glendel Zamora. 

Ikinasal sila ni Kiblawan Mayor Carl Jason Rama sa harap ng kanilang mga ninong at ninang, at mga magulang ni Zamora. Hindi na nakarating ang mga magulang ng bride na mula sa Maynila. 

Hindi napigilan ng lindol ang magkasintahang sina Manilyn Dapusala at Glendel Zamora na magpakasal sa temporary shelter sa Kiblawan, Davao del Sur ngayong Miyerkoles. ABS-CBN News

"Para sa akin, be practical. Tulad ng ganito may kalamidad, mas okay na roon na ganito na lang, simple. Basta mahalaga, nagmamahalan naman kayo," ani Dapusala. 

Dagdag ng kaniyang groom, "Kahit ano ang mangyari, itutuloy namin ang kasal." 

Anim na buwang naging magkasintahan ang mag-asawa. Magkalayo sila sa unang 5 buwan ng kanilang relasyon dahil nagtatrabaho si Zamora sa New Zealand. 
 
Umuwi sa kanilang bahay sa Barangay New Sibonga ang bagong-kasal matapos ang seremonya. 

"Kahit na may pangyayari na lindol, tinatanggap pa rin natin, kinakasal pa rin natin sila importante 'yong happiness nila," ani Mayor Rama.

Hindi bababa sa 9 ang nasawi at nasa 14,000 ang lumikas sa mga evacuation center dahil sa magnitude 6.9 na lindol na tumama sa probinsya noong Linggo.

Nasa 700 aftershocks na ang naitala ng state seismology office Phivolcs, Miyerkoles. 

Watch more in iWant or TFC.tv