Lalaking nagbebenta ng 'guarantee letter' para sa mga pasyente arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 06:52 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na modus umano ang pagbebenta ng guarantee letters sa mga pasyente na humihingi ng tulong pinansiyal sa mga ospital.

Sa operasyong ikinasa ng NBI Special Operations Group, huli ang suspek na si Hubert Lotino matapos tanggapin ang P15,000 na entrapment money. 
    
Kuwento ng biktima na si alyas "Marlene," isa si Lotino sa mga fixer sa Department of Health (DOH) na nagbebenta sa kaniya ng guarantee letter. 

Gamit kasi ang naturang liham, makatatanggap siya ng P50,000 na tulong-pinansiyal para sa dialysis ng kaniyang mister. 
    
Ang guarantee letter ay nanggagaling sa mga opisina ng mga halal na opisyal sa DOH na ibinibigay sa mahihirap para matulungan sila sa government hospitals. 
    
Libre ito, pero kailangan pumila at magbigay ng requirements bago maaprubahan.

Aminado si Marlene na 10 beses siyang bumili ng mga guarantee letter lalo't hindi makapagtrabaho ang mister na may chronic kidney disease at kailangan mag-dialysis nang 3 beses kada linggo. 
    
Pero nang itinigil na niya ang pagbili at pumila na lang sa mga opisina, inipit na raw siya ng hinihinalang sindikato para mapilitan siyang bumili ulit ng guarantee letter sa kanila.

"Sana magkaroon ng pagbabago ng sistema doon sa pananamantala sa mga tao. Naawa ako doon sa mga iba na namamatay, nakaaawa," ani Marlene. 

Aminado si Lotino na mali ang kaniyang ginagawa pero ayaw niyang sabihin kung saan niya nakuha ang mga liham. 
    
Dati rin daw siyang bumili nito nang magkasakit ang tiyuhin.

"Tulong ko rin ito para sa ibang mga pasyente."

Nabawi sa suspek ang 14 guarantee letters para sa ibang mga ospital at pasyente. 
    
Iniimbestigahan na ng NBI kung sino ang gumawa ng mga letter at paano ito napunta sa kaniya.

Kulong si Lotino sa paglabag sa Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, pero maaari pa siyang makapagpiyansa.
    
Ayon naman sa DOH, may isinasagawa na silang imbestigasyon kung saan pinagpapaliwanag nila ang direktor ng public assistance unit, habang tinanggal na muna sa posisyon ang 3 niyang staff members. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.