Higit 40 huli sa pagawaan ng pekeng dokumento sa Recto

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 05:01 PM | Updated as of Dec 18 2019 07:32 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Hinuli nitong Miyerkoles ang nasa 40 tao na umano'y dawit sa paggawa ng mga pekeng dokumento sa Recto, Maynila.

Sa operasyong ikinasa ng Manila Police District (MPD) sa mga eskinita ng tinaguriang "Recto University," nabuking ang mga mimeograph machine na ginagamit pang-imprenta.

Walang maipresentang permit ang mga may-ari upang patunayang lehitimo ang kanilang negosyo. 

Sa ilang kabahayan ay nakita ang mga pekeng dokumento tulad ng pasaporte, ID, birth certificate, diploma, lisensiya, at iba pa.

Ayon sa pulisya, mismong si Manila Mayor Isko Moreno ang nag-utos na salakayin ang lugar dahil sa talamak na ilegal na kalakaran doon. 

Aabot sa 40 ang inimbitahan sa presinto para imbestigahan.

"Nahuli na natin 'yung iba dati, lalo na 'yung dalawa doon pabalik-balik lang ng kulungan," ani Police Maj. Rosalino Ibay ng MPD special mayor's reaction team.

Ayon kay Moreno, dapat na raw matuldukan ang kalakaran ng pekeng dokumento sa Recto na higit dekada nang namamayagpag.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.