Halos 800 sako ng beach sand papuntang Pampanga, nasabat sa Laoag

Randy Menor, ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 07:18 PM | Updated as of Dec 18 2019 07:45 PM

Halos 800 sako ng beach sand na walang permit ang nasabat sa Laoag City nitong Miyerkoles, Disyembre 18, 2019. Ayon sa pulisya, walang kaukulang papeles ang mga nagbiyahe ng mga buhangin na dadalhin sana sa Pampanga.

LAOAG CITY - Halos 800 sako ng beach sand na walang permit at karga ng isang trak ang nasabat sa lungsod na ito Miyerkoles.

Ayon sa pulisya, galing sa bayan ng Pasuquin sa Ilocos Norte ang mga sako ng buhangin na dadalhin sana sa Pampanga.

“May natanggap kaming impormasyon na may maibibiyahe na mga buhangin. At nang inspeksyunin namin, walang maipakita ang driver [ng trak] na anumang dokumento,” ani Police Maj. Adriano Licudan, deputy chief ng Laoag City Police.

Hinuli ang drayber at pahinante nito, kasama ang isang menor de edad na lalaki na nakisakay lang para mamasyal sana sa Pampanga.

Hindi na humarap sa camera ang drayber pero iginiit niya na inutusan lamang sila.

Inamin ni Vice Mayor Oscar Aguinaldo ng Pasuquin na sa kaniya ang trak, pero inarkila lamang daw ito ng kaniyang kakilala na negosyante.

Sinabi daw ng nag-arkila sa kaniya na kumpleto ang permit at dokumento ng ibibiyaheng mga buhangin.

Makikipagtulungan naman ang opisyal sa pulisya para sa imbestigasyon at mapanagot ang nag-arkila sa kaniyang sasakyan.

Ang pagkuha ng buhangin, lalong-lalo na sa may coastal areas, ay labag sa Republic Act 7942 o Philippine Mining Act. Ang sinuman na mahuhuli ay puwedeng makulong hanggang 20 taon.

“Wala pang nabibigyan ng permit ang pagkuha ng buhangin sa coastal areas. Bawal na bawal po 'yan. Walang quarry sa coastal areas,” ani Noemi Ruadap, environment officer ng Laoag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.