Aabot sa P1.8-M halaga ng shabu nasabat sa buy-bust sa Bacolod

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2019 11:01 PM

Kuha ng Bacolod Police Station 8

Aabot sa P1.8M halaga ng hinahalang shabu ang nasamsam ng pulisya mula sa isang "high-value target" na babae sa Bacolod City nitong Miyerkoles.

Pitong malalaking sachet ng shabu ang nakuha ng mga operatiba sa pouch na 25-anyos na suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Pananocoy.

Tinatayang nasa 150 grams ang bigat ng kontrabando.

Ayon kay Police Maj. Charles Gever, hepe ng Bacolod Police Station 8, dating drug surrenderer ang suspek.

Naniniwala umano si Gever na ang suspek ang pumalit sa kanyang live-in partner na nakulong din sa kasong may kinalaman sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Inaalam na ng pulisya ang kaugnayan nila sa isang sindikato na nag-ooperate sa labas ng lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.