Sasakyan ng bise alkalde ng Santiago City, pinagbabaril

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2018 06:34 PM

SANTIAGO CITY—Pinagbabaril ang dalawang sasakyan ng bise alkalde ng lungsod na ito Lunes ng gabi.

Bakas ang mga tama ng bala sa dalawang sasakyan ni Vice Mayor Alvin Abaya.

Ayon kay Chief Inspector Rolando Gatan, commander ng Santiago City Police Station 1, nakaparada ang mga sasakyan sa isang bahagi ng kalsada sa Barangay Calao East nang mangyari ang insidente.

Nasa loob ng community center at abala sa pamimigay ng regalo si Abaya kasama ang iba pang opisyal.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag si Abaya lalo't patuloy umano ang imbestigasyon sa insidente.

Nadamay rin sa pamamaril ang isang 26 anyos na lalaki na tinamaan ng ligaw na bala sa kaniyang braso.

Ayon sa biktima, nasa may tricycle sila nang may nagpaputok. Paglabas umano nila, tinutukan pa sila ng baril ng salarin. Nakatakbo pa ito pero tinamaan pa rin ng bala.

Isasailalim sa operasyon ang biktima na nananawagan ng hustisya.

Ayon sa pulisya, inaaral na nila ang kuha ng mga CCTV camera sa lugar.

Tinitingnan din ang anggulong road rage. Maaari umanong nagalit ang drayber ng ibang sasakyan nang hindi makadaan sa kalsada.

"Possible motive niya ay road rage, nairita lang 'yung driver dahil hindi nga makadaan. Kitang kita mo 'yung drainage canal na nasira nga dahil naibaon doon 'yung gulong," ani Gatan.

Isinailalim na sa ballistic examination ang mga basyo ng bala na nakuha sa lugar. 

Inaasahan ng pulisya na makakatulong ito na matukoy kung sino ang salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.