Lalaki timbog sa panghoholdap sa mga remittance center

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2018 10:10 PM

Naaresto ng pulisya noong Lunes sa Plaridel, Bulacan ang isang lalaking umano ay nanghoholdap ng mga remittance center sa Bulacan at Pampanga.

Dinampot ng Plaridel police ang suspek na si Rodsom Liggayu matapos manghingi ng tulong sa kanila ang kahera ng isang remittance center sa bayan na sinubukan umanong holdapin ng suspek.

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na 10 remittance center sa Bulacan at Pampanga na ang nabiktima ni Liggayu.

Sa panayam, inamin ni Liggayu ang mga nagawa at humingi ng tawad sa mga nabiktima niya.

"Sorry po sa mga nabiktima ko," sabi niya.

Nakuhanan pa ng CCTV ang panghoholdap ni Liggayu sa isang remittance center sa Apalit, Pampanga noong nakaraang buwan.

Sa kuha, mapapanood ang lalaking sinasabing si Liggayu na pumasok sa establisimyento at nagpanggap bilang kostumer. Ilang saglit lang ay lumapit ang suspek sa kahera, tinutukan ito ng baril at inutusang ilagay ang kita ng remittance center sa plastic na kaniyang dala.

Si Liggayu din ang sinasabing nakuhanan ng CCTV na nangholdap sa isa pang remittance center sa Plaridel noong 2016. 

Kinasuhan ang suspek ng attempted robbery at paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. 

Nanawagan naman ang Bulacan police sa iba pang biktima na makipag-ugnayan sa kanila para masampahan ng karagdagang kaso ang suspek.

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.