Kampanya vs 'indiscriminate firing' pinaigting ng pulisya

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2018 10:13 PM | Updated as of Jul 16 2019 12:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi makalilimutan ng mga batang sina alyas "Yasmin" at "Anthony" ang pagsalubong nila sa 2018 matapos silang tamaan ng ligaw na bala sa kasagsagan ng putukan sa Barangay Maypajo, Caloocan City.

Tinamaan sa tagiliran si "Yasmin" at napinsala ang kaniyang atay at bituka.

Ayon naman sa ina ni "Yasmin," nagsisisi siya kung bakit hinayaan niyang lumabas ng bahay ang kaniyang anak sa gitna ng putukan.

Isang linggo namang na-comatose o nawalan ng malay si "Anthony" matapos tamaan ng bala sa braso na tumagos sa kaniyang tiyan.

Sinabi ng ina ni "Anthony" na hindi lang peklat sa katawan ng kaniyang anak ang iniwang bakas ng ligaw na bala kundi pati trauma o emosyonal na takot.

"Parang 'pag may nag-away, umiiyak siya," sabi ng ina ni "Anthony."

Nagmula sa away ng magkapitbahay ang putok na aksidenteng nakatama sa dalawang bata.

Nakulong ang mga suspek pero nakalaya rin matapos makipag-areglo.

Upang hindi maulit ang mga insidente gaya ng kina "Anthony" at "Yasmin," nagsagawa na ng sunod-sunod na operasyon ang Caloocan police kontra loose firearms.

Mula Disyembre 8 hanggang 14, 39 baril na ang nakumpsika sa Caloocan habang 129 ang naaresto.

Hinimok din ng Caloocan police ang mga may-ari ng mga baril na may pasong lisensiya na isuko ang mga baril.

"Habang nilalakad nila 'yong papel nila, they should surrender for safekeeping 'yong kanilang mga baril sa nearest police station," sabi ni Superintendent Ferdie Del Rosario ng Caloocan police.

Nagbabala rin si Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde sa mga pulis na magpapaputok ng baril.

"We have cautioned over and over and over again itong aming mga personnel not to indulge in indiscriminate firing. Otherwise that would mean their immediate dismissal," ani Albayalde.

Ipinayo ng pulisya sa publiko na kuhanan ng retrato o video ang mga makikitang nagpapaputok ng baril at isumbong ang mga ito sa mga awtoridad.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.