Mga ospital, tiniyak ang kahandaan para sa Bagong Taon

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2017 04:12 PM

Sinuyod ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ang ilang malalaking ospital sa Kamaynilaan para tiyakin ang kahandaang tugunan ang mga mabibiktima ng paputok.

Kabilang sa mga ospital na ininspeksiyon ang Rizal Medical Center sa Pasig, Quirino Memorial Medical Center (Labor Hospital) sa Quezon City, at ang University of Santo Tomas Hospital sa Maynila.

Pinangunahan ni Health Undersecretary Gerardo Bayugo ang pag-iikot.

Kasama sana si Health Secretary Francisco Duque III pero kinailangan niyang lumipad patungong Biliran kasama si Pangulong Rodrigo Duterte para tingnan ang sitwasyon ng lalawigang sinalanta ng bagyong Urduja.

Tiniyak naman ng mga kinatawan ng mga nabanggit na ospital na handa sila para sa mga pasyente ngayong Pasko, lalo na sa mga mabibiktima ng paputok sa papalapit na Bagong Taon.

Kabilang sa mga tiningnan ng mga tauhan ng DOH ang mga kagamitan sa emergency rooms.

Sa Disyembre 21 sisimulan ng DOH ang pagbibilang ng mga biktima ng paptuok.

Itataas naman ng DOH ang code white alert sa lahat ng ospital pagsapit ng Disyembre 31. Ibig sabihin, hindi papayagang lumiban ang lahat ng tauhan ng ospital, lalo na ang mga nakatalaga sa emergency rooms.

Noong nakaraang taon, nasa 630 ang naitalang sugatan dahil sa paptuok.

Inaasahan ng DOH na bababa ang bilang dahil sa pagpapalabas ni Pangulong Duterte ang kautusang nagreregula sa mga paputok. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.