Mag-ina ng OFW, pinagsasaksak; ginang ginahasa, bata nakaligtas

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2017 05:23 PM | Updated as of Dec 18 2017 08:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Patay ang isang ina habang sugatan ang kaniyang anak na babae matapos pasukin ang kanilang bahay sa bayan ng Mendez, Cavite.

Linggo ng madaling araw nang pasukin ang bahay ng mag-ina. Pinangalanang suspek si Mark Harold Mercado, 22 anyos. 

Napatay ang 42 anyos na ginang sa pananaksak habang nakaligtas ang 18 anyos nitong anak kahit nagtamo ng 10 saksak.

Umamin si Mercado sa nagawang krimen matapos matunton at arestuhin ng Mendez police sa Dasmariñas, Cavite nitong Lunes.

Napag-alamang kapitbahay mismo ng mga biktima si Mercado.

Nahuli si Mercado sa tulong ng mga testigo at impormasyong nakalap ng pulisya.

Ani Mercado, lango siya sa alak nang magawa ang krimen.

Nagsisisi umano si Mercado dahil bukod sa kapitbahay lang niya ang mga biktima, kaanak pa niya ang padre de pamilya nitong isang mandaragat.

Ayon sa Mendez police, may senyales din na ginahasa ang ginang dahil halos hubad na ito nang matagpuan ng mga rumispondeng pulis.

Nahaharap sa kasong rape with homicide at frustrated murder si Mercado.

Tumanggi namang magpaunlak ng panayam ang pamilya ng mga biktima.

Noong nakaraang linggo, isang mag-ina din ng isang mandaragat ang natagpuan patay sa loob ng bahay sa General Trias, Cavite.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.