Lalaking galing lamay, pinaslang ng riding-in-tandem

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2017 12:33 PM

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga naka-motorsiklong gunman habang pauwi mula sa lamay sa Tondo, Maynila, Linggo ng gabi. 

Nakuhanan ng CCTV camera ang pagpaslang ng mga naka-helmet at face mask na salarin sa biktimang si Nanding Ocampo sa Capulong Street. 

"Naglalakad siya, may bitbit siya na [alak]... May motor na lumapit, binaril sya sa likod," sabi ni Ogie Garcia, kagawad ng Barangay 108. 

Wala naman aniyang kaso o kaaway si Ocampo, na nabubuhay sa pag-buy and sell ng scrap appliances at bakal.

"Hindi naman po gumagamit [ng droga] ang anak ko... Ang dami nagsasabi d'yan, mabait ang anak ko," dagdag ni Merciditas Ocampo, ina ng biktima. 

PAMAMARIL SA SUGAL 

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, sugatan naman ang 4 na naglalaro ng "cara y cruz" na sugal matapos pagbabarilin din ng riding-in-tandem na salarin sa Barangay 83. 

Kritikal ang lagay ng isa sa mga biktima na si Reggie Galace. Dinala siya sa Mary Johnston Hospital.

Ayon sa barangay, sidecar driver si Galace at isa pang biktimang si Ariane Isidro. Kapwa wala umanong bisyo at kaaway ang ito. 

Iniimbestigahan pa ng mga pulis and 2 insidente ng pamamaril. Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.