Isda, pinagkakakitaan ng mga nasalanta ng 'Urduja' sa Capiz

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2017 01:01 PM

Ibinenta ng mga residente ng bayan ng Sigma, Capiz ang mga nahuling isdang karpa upang makalikom ng pondong pambili ng mga pangangailangan matapos masalanta ng bagyong "Urdujua."

Binebenta ng mga residente ng Sigma, Capiz ang mga isdang karpa upang makalikom ng pondong pambili ng pagkain at iba pang kagamitan matapos masalanta ng bagyong "Urdujua." Kuha ni Nony Basco

Simula Linggo ay ipinagbebenta ng mga residenteng apektado ng bagyo ang karpa sa mga motoristang dumadaan sa National Highway sa Barangay Dayhagon, Sigma.

Naglalaro sa P200 hanggang P300 kada kilo ang presyo ng isda, depende sa laki. 

Ilan sa mga bumibil ng mga binebentang isda ay mga motoristang dumadaan sa National Highway sa Barangay Dayhagon, Sigma. Kuha ni Nony Basco

Ginagamit ng mga manininda ang kita para makabili ng pagkain at iba pang pangangailangan.

Sagana sa karpa ang ilang barangay sa Sigma na nalubog sa baha bunsod ng walang tigil na pag-ulang dala ng Urduja. 

Sa tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 13 barangay sa Sigma ang nananatiling lubog sa baha.

Aabot sa 4 na talampakan ang taas ng baha.

Nananatiling lubog ang ilang barangay sa bayan ng Sigma, Capiz. Kuha ni Nony Basco

Ilang taniman din ang nalubog sa baha kaya nangangamba ang ilang magsasaka sa kanilang hanapbuhay.

Nasa 104 barangay ang naitalang lubog sa baha sa buong lalawigan ng Capiz, habang 151 pamilya naman ang lumikas.

Sa weather bulletin ng PAGASA, alas-11 ng umaga, namataan ang Urdujua sa layong 90 kilometro (km) hilaga ng hilagang-kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan.

Mayroon itong lakas na 45 kilometro kada oras (kph) at may bugso ng hanging aabot sa 60 kph.

Inaasahan makalalabas ng Phlippine area of responsibility ang bagyo sa Martes ng umaga.

-- Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.