Ilang pasaherong nakansela ang biyahe, di tiyak na makaaalis bago mag-Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2017 10:15 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Oktubre pa lang ay nagpa-book na ang isang mag-anak na papunta sana sa Samar para dumalo sa isang kasalan sa Disyembre 21.

Doon na rin sana magdiriwang ng Pasko at Bagong Taon ang buong pamilya.

Pero ang kanilang planong makabiyahe sa bus nitong Lunes, napurnada dahil kanselado ang kanilang bus trip bunsod ng bagyong "Urduja".

Gaya ng ibang stranded na pasahero, wala namang magawa ang mag-anak kundi maghintay na lang.

Pero dahil nasabay kasi sa mga booking para sa Kapaskuhan ang mga biyaheng nakansela dahil sa bagyo, mahirap na magpa-reschedule ng biyahe.

Marami sa mga pasahero, maghihintay na lang na maisingit pa o maging "chance passenger" sa biyaheng paalis ngayon o bukas. 

May iba namang nagbabaka-sakali sa iba pang bus stations na may mga biyahe pang papuntang Visayas.

Sa Araneta Center bus port, tiyambahan pa rin kung makasasakay ang halos P1,000 biyaherong hindi natuloy sa pag-alis nitong Linggo, Disyembre 17, dahil sa bagyo.

Ginagawan naman ng paraan ng bus terminal para makabiyahe ang mga pasahero.

Pero dahil fully-booked na rin ang mga biyahe hanggang sa Enero, kailangang umasa na lang na may makababalik na extra bus.

Nakapagbigay naman ng special permits ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa karagdagang bus ngayong Kapaskuhan.

Sa partial list ng LTFRB, nasa halos 600 ang nabigyan ng special permit.

Sa Manila North Harbor, umabot sa halos 3,000 pasahero ang stranded nito ring Linggo nang magkansela ng mga biyahe dahil sa bagyong Urduja. Mga biyaheng Palawan at western Visayas ang apektado.

Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) naman, naabisuhan kaagad ang mga pasahero ng mga biyaheng kinansela dahil sa bagyo kaya hindi na nagkaroon ng maramihang taong naghihintay ng pagbabalik ng flights.

-- Ulat nina Doris Bigornia at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.