Hagupit ng 'Urduja': 31 patay; gobyerno nagpaabot na ng ayuda

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2017 07:35 PM | Updated as of Dec 18 2017 09:00 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Umakyat na sa 31 ang bilang ng mga patay sa pananalasa ng bagyong 'Urduja' sa kapuluan, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ayon kay Roque, kabilang sa mga naitalang patay ang 23 mula Biliran, lima mula Leyte, dalawa mula Samar, at isa mula Eastern Samar.

Pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang 49 katao na naiulat na nawawala, kabilang ang 33 mula Biliran, 11 mula Eastern Samar, tatlo mula Leyte at dalawa mula Romblon.

Karamihan sa mga namatay, partikular sa lalawigan ng Biliran, ay dahil sa pagguho ng lupa bunsod ng walang tigil na pag-ulang hatid ni Urduja.

Nilubog din ng Urduja ang ilang lugar sa Visayas na naging sanhi sa paglikas ng halos libo-libong mga residente. Kabilang sa mga ito ang mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda. 

Nasa Naval, Biliran nitong Lunes si Roque, ang Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang miyembro ng Gabinete para personal na alamin ang pinsalang dulot ng bagyo.

Ayuda ng gobyerno

Idinulog ng mga aklalde ng Biliran kay Duterte ang kalagayan ng kani-kanilang mga bayan. 

Humingi rin ng tulong ang mga alkalde sa gobyerno dahil kulang na ang suplay ng pagkain, kasama ang bigas.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development, may parating na higit 50 thousand relief packs nitong Lunes ng gabi para sa mga nasalanta.

May ipadadala rin ang National Disaster Risk Reduction & Management Council na mobile water generator para sa bayan ng Naval.

Nahihirapan lang itong dumating dahil sa mga kalsadang apektado ng pagguho ng lupa at nasirang tulay.

Nangako ang Pangulo na bibilisan ng pamahalan ang pagsasaayos ng mga nasirang daanan.

Subalit tantiya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na aabutin ng isang buwan bago masolusyonan ang problema sa transportasyon.

Nag-abiso rin ang Department of Trade and Industry na huwag mag-panic buying dahil may sapat na suplay ng mga bilihin.

Watch more in iWant or iWantTFC

Paghahanap ng bangkay

Patuloy naman ang operasyon ng DPWH, Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang ahensiya para makuha ang mga bangkay mula sa gumuhong makapal na putik sa isang bahagi ng Barangay Lucsoon sa Naval.

Sa isang bahagi ng Naval Cross Country Road papuntang Caibiran, natabunan ang nasa pitong bahay bandang alas-3 ng hapon noong Sabado, Disyembre 16.

Aberya sa paghakot ng mga bangkay ang mga troso at malalaking bato.

Labingtatlo ang nakuhang labi sa lugar mula sa 27 naitalang nawawala.

Maghapong nakaabang ang mga residente lalo na ang kaanak ng mga nawawala.

Sinabihan naman ng BFP ang mga kaanak na hindi nila puwedeng madaliin ang paghuhukay.

Kailangan pa rin umano kasing mag-ingat ng BFP sa pagsasagawa ng retrieval operations.

"Kailangan natin ding mag-ingat ... Kailangan ingatan din 'yong mga katawan na natabunan," ani Senior Inspector Gil Abella, acting fire marshal ng Biliran.

Sa weather bulletin ng PAGASA, alas-4 ng hapon, namataan ang Urduja sa layong 12 kilometro sa hilagang kanluran ng Puerto Princesa, Palawan. 

Inaasahang lalabas ng bansa ang bagyo sa Martes habang patuloy na binabantayan ang isang low pressure area sa silangan ng Mindanao. 

-- Ulat nina Melanie Bingco at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.