3 Australian, nasagip ng mga mangingisda sa Siargao

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2017 11:31 PM

TANDAG CITY - Nailigtas ng mga mangingisda ang tatlong Australian national na palutang-lutang sa dagat na sakop ng Siargao Islands Linggo ng gabi.

Nakasakay sa isang floater o life bouy ang mga Australyano nang makita ng mga mangingisda.

Kinilala ang mga ito na sina Lionel Peter Ansselin, 74 years old; Lawrence Alfred Mallea, 68; at Anthony John Mahoney, 73.

Sa kasamaang palad, idineklarang dead on arrival sa ospital si Mahoney dahil sa matinding dehydration.

Ayon sa mga nakaligtas, anim na araw na umano silang nagpapalutang lutang sa dagat matapos lumubog ang kanilang sinasakyang yate. 

Nagkaroon umano ng butas ang yate na naging dahilan ng paglubog nito.

Pero hindi maidetalye ng mga nakaligtas kung saang banda lumubog ang kanilang sinasakyang yate.

Galing sila sa Australia at papunta sana sila ng Subic Bay.

Ini-report na ng Tandag City Police sa embahada ng Australia ang nangyari sa mga biktima. Ipinaalam na rin sa asawa ni Ansselin, na isang Filipino na taga-Bauang, La Union, na nasa mabuting kalagayan na ito.

Kasalukuyan pa ring nasa ospital sina Ansselin at Mallea.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.