PatrolPH

Tricycle, motorsiklo nagbanggaan sa Tondo, bote ng alak nakuha

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2020 07:12 AM

Tricycle, motorsiklo nagbanggaan sa Tondo, bote ng alak nakuha 1
Kapwa malubhang nasugatan ang nagmamaneho ng tricycle at motorsiko na nagsalpukan sa Gagalangin, Tondo, Maynila nitong Lunes.

MAYNILA - Kapwa malubhang nasugatan ang nagmamaneho ng tricycle at motorsiklo na nagsalpukan sa Gagalangin, Tondo, Maynila bago maghatinggabi ng Lunes.

Sa kuha ng CCTV ng Bgy. 172 Zone 15 na may sakop sa lugar, nag-head-on collision ang motorsiklo at tricycle sa Earnshaw Street malapit sa kanto ng Cavite Street bandang 11:39 ng gabi.

Maluwag ang kalsada, pero bumaybay sa counterflow lane ang tricycle na pa-timog ang biyahe, kaya sumalubong dito ang motorsiklo na patungong Pampanga Street.

Sinubukan pang lumiko ng tricycle pabalik sa tamang lane sa huling sandali pero hindi na ito nakatakas.

Nabali ang paa ng tricycle driver na si Mario Marigace, 42 anyos.

Sa ulo naman nagkasugat ang motorcycle rider na kinilalang si Robin Buelva, 23 anyos.

Ayon sa barangay executive officer na si Cris Cariaso, nakahandusay pero may malay ang dalawa nang datnan nila.

Nadiskubre naman sa compartment ng motorsiklo ang isang litrong bote ng alak na ayon kay Cariaso ay malamig pa.

Aminadong nakainom ang nagmomotorsiklong si Buelva.

Papunta siya sa direksyon ng kanyang tinitirhang barangay nang sumalpok sa tricycle.

Nalaman ng barangay na hindi niya pag-aari ang motorsiklo.

Sa gabi naman pumapasada ang tricycle driver na si Marigace na nagbo-boundary lang.

Walang dalang lisensya ang dalawa.

Dinala sila sa magkaibang ospital para gamutin.

Patuloy na nag-iimbestiga ang Manila Police District Traffic Enforcement and Investigation Unit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.