Naging daan ang festival sa pagbigay ng pugay sa mga frontliners ngayong may pandemiya.
Nagliwanag ang gabi ng ilang residente sa Pampanga sa pagkutitap ng mga ilaw na mistulang diyamante sa dilim, sa pagbubukas ng 112 Giant Lantern Festival sa San Fernando City nitong gabi.
Mga hugis bituin, bulaklak, bandila ng Pilipinas, Holy Family at iba pa ang nagliparan, kung kailan umano napapanahon sa pandemiya ang kanilang mensahe.
Naging daan din ang festival para mabigay pugay sa mga frontliner sa gitna ng pandemya.
“Para maipakita po sa kanila na saludo kami sa kanila,” ani Byron Bondoc, lantern maker.
Nasa 7 na higanteng lanterns na may taas 20 feet mula 7 na barangay ang nagpagandahan sa pagsayaw at pagkindat ng iba't-ibang kulay ng ilaw.
Walang live audience dahil walang kumpetisyon ngayong taon. Virtual o online ang panonood bilang pagsunod sa guidelines para maiwasan ang COVID-19.
“We are not promoting any gatherings and big crowds . . . ito po ay simbolo ng ating taunang pasasalamat sa the star of Bethlehem. Thank God, siya ang nagbibigay pagasa - hope, kapayapaan and pagkakaisa nating lahat," ani San Fernando Mayor Edwin Santiago.
Simula bukas, magkakaroon na ng drive-in viewing. Limitado lang sa 200 sasakyan ang papayagan.
“You can do online reservation, mag-reserve na po kayo in advance kasi limited lang po ang slots. You can log in at www.giantlanterns. com," ani Jodee Pineda Arroyo, manager ng Robinsons Mall San Fernando.
"Doon sa mga hirap makapag-online reservation, meron din tayong on-site reservation," dagdag niya.
Libre at walang bayad ang registration, at kapag nakapagrehistro ka na, mabibigyan ka ng QR code, no entry sa venue.
Hanggang Dec. 20 bukas ang viewing. Mag-uumpisa na rin ang drive-in viewing ng 5: 30 p.m. to 8:30 p.m. mula Dec. 21 hanggang Jan. 3.
Bawal pa rin ang mga below 15-years-old at more than 65-years-old.
Nasa 112 taon ang selebrasyon ng giant lantern festival sa Pampanga, ang tinaguriang "Christmas Capital of the Philippines."
-- Ulat ni Gracie Rutao
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
giant lantern festival, San Fernando, Pampanga, frontliners, COVID-19, coronavirus, Regional news, Tagalog news, TV PATROL, TV PATROL TOP