Pasig River ferry system nakikitang sagot sa trapiko sa kalsada

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2019 08:02 PM | Updated as of Dec 17 2019 09:11 PM

Watch more in iWantTFC

Ibinida ng Metropolitan Manila Development Authority ang Pasig River ferry system, na kabubukas lang ulit kamakailan, bilang alternatibong masasakyan para makaiwas sa masisikip na daloy ng trapiko sa mga kalsada sa Kamaynilaan.

Muling binuksan noong Disyembre 11 ang ferry service, na may ruta mula Pinagbuhatan, Pasig hanggang Escolta, Maynila.

Mayroon itong 4 ferry na kayang magsakay ng nasa 600 pasahero kada araw.

"Ito'y isang alternatibo, makakabawas pero hindi totally magso-solve ng traffic," ani MMDA General Manager Jojo Garcia.

Pero ayon kay Garcia, hindi pa 100 porsiyentong plantsado ang lahat kaugnay ng operasyon ng serbisyo.

Nilinaw rin ni Garcia na limitado lang ang bagaheng puwedeng bitbitin sa mga ferry.

"Siyempre hindi ito naka-design pangkargamento. Ito ay mas more sa passenger ferry," aniya.

Unti-unti nang sinasanay ng MMDA ang mga motorista sa paggamit sa ferry service dahil sa pagpasok ng 2020, may mga nakatakdang pagsasara ng mga lansangan para sa pagsasaayos ng mga matatandang tulay, gaya ng Guadalupe Bridge.

Ginagawan pa ng paraan ng MMDA ang hiling ni Sen. Christopher "Bong" Go na habaan ang panahong libre ang pasahe o babaan ito.

Pero tiniyak ni Garcia na pasok ang discount rates para sa mga estudyante, person with disability, at senior citizen.

Hinihintay na rin ng MMDA ang mga ipinangakong ferry donation ng Pasig at Maynila, gayundin ng pribadong sektor, para maabot ang target na 15 ferry boats.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.