Mga aksidente sa daan sinisi sa maluwag na pagbibigay ng lisensiya

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2019 08:09 PM

Watch more in iWantTFC

Bilang ng mga road crash sa Metro Manila, tumataas ng 5 porsiyento taon-taon mula 2010

Ang maluwag na pagbibigay ng Land Transportation Office (LTO) ng practical exam at lisensiya ang ilan sa mga dahilan ng mga banggaan sa daan, ayon sa pinuno ng isang grupo ng mga motorista.

"Dito 'pag tinanong mo. 'Hindi tine-test naman namin sila eh,' sabing ganoon, may kausap akong taga-LTO," kuwento ni Automobile Association Philippines President Gus Lagman.

"Iyon pala atras-abante lang. We're not strict in granting driver's licenses," dagdag ni Lagman.

Binitawan ni Lagman ang pahayag matapos ang magkakasunod na ulat ukol sa mga aksidente sa kalsada kamakailan.

Nitong Martes, 9 katao ang nasawi sa banggaan ng isang pampasaherong jeep at 2 truck sa Cardona, Rizal habang 2 naman ang patay at 30 ang nasugatan sa pag-araro ng isang truck sa hindi bababa na 9 sasakyan sa Mendez, Cavite.

Ayon kay Lagman, sanhi rin ng mga banggaan ang kakulangan sa kaalaman ng mga driver sa batas trapiko at hindi pagpapatupad sa mga patakarang ito.

Sa Metro Manila, 5 porsiyento ang itinataas ng bilang ng mga road accident kada taon mula 2010 hanggang 2018, ayon sa datos ng ABS-CBN Investigative and Research Group.

Nasa 846,504 insidente ng road crash ang naitala ng Metropolitan Manila Development Authority simula 2010, na ikinasawi ng 3,906 tao.

Tiniyak naman ng LTO na hihigpitan nila ang pagkuha ng lisensiya kasabay ng pagpapalawig ng bisa ng lisensiya.

Pinaigting na rin ng LTO ang exams at drivers' education, kabilang ang pagsama ng road safety sa curriculum o mga pag-aaralan.

"For example, kapag kukuha ka ng student permit, hindi na automatic 'yan. You have to undergo seminars," ani LTO Deputy Director Roberto Valera.

Overloading naman ang tinukoy ng LTO na pangunahing sanhi ng banggaang kinasasangkutan ng mga truck.

"Nakakasira rin ng daan kapag overloaded so ang ni-recommend namin diyan, follow traffic rules and regulations," ani Valera.

-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.