Matinding hamog, naranasan sa Ilocos Norte

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2019 05:55 PM

Matagal maglaho ang makapal na hamog na bumalot sa ilang lugar sa lalawigan ng Ilocos Norte. Ria Galiste, ABS-CBN News

Binalot ng makapal na ulap o hamog ang ilang bahagi ng lalawigan ng Ilocos Norte, Martes ng umaga.

Sa Laoag City, kahit umaga na nakailaw pa rin ang street lights sa Gilbert Bridge. At kahit mag-aalas 8 na ng umaga ay nakailaw pa rin ang mga sasakyan.

“Kapag ang visibility kasi is bumaba ng 500 meters, tinatawag na yun na fog. So nangyayari ‘yan dahil sa mga suspended particles sa ating atmosphere na nagiging dahilan ng pag-condense agad ng ating air,” paliwanag ni Engr. Cynthia Iglesias, chief meteorological officer ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Pero kakaiba ngayon dahil ang nakita sa mababang bahagi ng Ilocos Norte tulad ng sa Laoag City, Batac City, at Paoay ay makapal na hamog na matagal bago maglaho.

“Nagkaroon tayo ng temperature inversion mas mainit yung temperatura natin sa taas kaysa dito sa ground so hindi agad naka-disperse,” sabi ni Iglesias.

Naranasan ang matinding hamog tuwing Disyembre.

Dahil naman sa matinding hamog, tinanghali na rin ng punta sa bukid ang mga magsasaka tulad ni Joven Gaspar.

Maganda man daw ang mahamog at malamig na klima para sa kaniyang tanim na mais, nakasasama ito sa kaniyang tanim na gulay.

Nasisira umano ang mga gulay at nagkakaroon ng mga peste sa matinding hamog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.