Iniispkesyon ng isang pulis ang apartment kung saan napatay ang umano'y lider ng Von Villanueva drug group. Larawan mula sa Lipa police
MANILA - Patay ang umano'y lider ng isang drug group matapos umanong manlaban sa mga pulis habang hinahainan ng warrant of arrest sa Lipa, Batangas.
Nangyari ang engkuwentro sa inuupahang apartment sa Barangay Lodlod ng suspek na si Von Villanueva, ika-9 na most wanted person ng Balayan, Batangas.
"Matagal na nating mino-monitor ito at nagkataon lang na nalaman na natin na nandito na siya ulit, bumalik na siya dito ulit sa Batangas," sabi ni Supt. Meliton Salvadora Jr., hepe ng pulisya sa Lipa.
"Itong ating suspek ay lumaban na naging sanhi ng engkwentro natin sa kanya. Agad naman na itinakbo natin sa ospital itong suspek, pero sa di inaasahang pangyayari ay naideklara na ring siya ay namatay sa ospital."
Ang suspek ay lider umano ng tinaguriang Von Villanueva drug group na may operasyon sa first district ng Batangas. Naharap siya sa arrest warrant matapos masangkot sa pamamaril sa isang pulis-bayan nitong Mayo.
Narekober sa crime scene ang isang kalibre.45 na baril na ginamit umano ng suspek. Nahanap din sa kaniyang apartment ang ilang pakete ng hinihinalang shabu at ilang gamit pang-droga. Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.