Patay na pawikan natagpuan sa karagatan ng Agusan del Norte

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2017 08:00 PM

MAGALLANES, Agusan del Norte - Patay na nang matagpuan ng ilang naliligo sa beach resort sa Barangay Caloc-an ang isang pawikan, Sabado ng umaga.

Kuwento ni Danny Patagan, isa sa mga nakakita, palutang-lutang na lamang at inaanod na lang ng alon ang pawikan nang kanilang matagpuan.

Tinatayang mahigit isang metro ang haba ng pawikan habang nasa mahigit isang daang kilo naman ang bigat nito.

Ayon kay Patagan, agad ipinalibing ng caretaker ng resort ang pawikan bago ito maiulat sa mga awtoridad. Nag-alala kasi sila na umalingasaw sa beach ang patay na pawikan.

Hindi pa naman malinaw sa mga awtoridad ang ikinamatay ng pawikan pero nakitaan ito ng sugat sa likod at sa leeg.