Bagong bagyo, nagbabadyang magpaulan pagkatapos ng 'Urduja'

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2017 07:21 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Hindi pa man nakalalabas ng bansa ang bagyong "Urdujua," may bagong bagyo na namang nagbabantang magpaulan sa kapuluan.

Inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ang tropical depression na papangalanang "Vinta" sa Biyernes, Disyembre 22.

Namataan ang tropical depression sa layong 1,950 kilometro silangan ng Mindanao.

Humina na ang bagyong Urduja sa lakas na 55 kph at bugso ng hanging umaabot sa 80 kph.

Mayroon itong bilis na 15 kph papunta sa direksyon ng Aklan at inaasahang lalabas ng PAR sa Miyerkoles.

Nananatili ang storm signal number 1 sa mga sumusunod na lalawigan:

• Katimugang bahagi ng Mindoro
• Romblon
• Palawan
• Aklan
• Antique
• Capiz

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), tatlo ang naiulat na patay habang anim ang nawawala. Umabot naman sa 19 ang naitalang sugatan.

Bagaman patuloy na tumatanggap ang ahensiya ng mga ulat ng mga namatay, hinihintay pa ng NDRRMC ang beripikasyon mula sa Department of the Interior and Local Government.

Nasa 20,389 pamilya o 87,917 katao ang bilang ng mga lumikas.

Umabot naman sa P35 milyon ang halaga ng mga nasirang kalsada sa Eastern Samar, ayon sa Department of Public Works and Highways.

Lagpas kalahating milyon naman ang halaga ng mga napinsalang daanan sa Compostela Valley.

Nasalanta rin ang ilang taniman ng mais, saging at buko sa bayan ng Pilar, Cebu.

Samantala, umabot na sa higit 15,000 ang bilang ng stranded sa mga pantalan.

-- Ulat ni Kevin Manalo at Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.