26 patay sa Biliran dahil sa 'Urduja'

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2017 06:36 PM | Updated as of Dec 18 2017 12:40 PM

Higit sa 20 katao ang naitalang patay sa lalawigan ng Biliran nitong Linggo bunsod ng pananalasa ng bagyong Urduja.

Sa tala ng Biliran Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot na sa 26 ang bilang ng naiulat na patay habang 23 naman ang nawawala.

Sampu naman ang naitalang sugatan sa lalawigan.

Watch more in iWant or iWantTFC

Nakuhanan pa ng video ng Philippine National Police Regional Office 8 ang patuloy na paghahanap at pagligtas sa mga residente na natabunan ng gumuhong lupa sa bayan ng Naval.

Biyernes nang isailalim ang Biliran sa state of calamity dahil sa bagyo, na patuloy na nananalasa sa mga lugar sa Eastern Visayas.

Humina ang Urduja sa lakas na 55 kilometro kada oras (kph) at may bugso ng hanging umaabot sa 90 kph. Mayroon itong bilis na 15 kph papunta sa direksyon ng Aklan.

Bukod sa Biliran, naramdaman din ng mga kalapit na lalawigan ng Eastern Samar at Leyte ang hagupit ng bagyo.

Sa Eastern Samar, aabot na sa higit 30,000 pamilya ang apektado at 266 barangay ang nananatiling lubog sa baha.

Naperwisyo naman ang mga motorista sa mga bayan ng Capoocan, Leyte at Sulat, Eastern Samar nang maharangan ang ilang kalsada dahil sa mga pagguho ng luha.

Patuloy na nagsasagawa ng clearing operations ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways sa mga kalsada.

Sa Romblon, patay din ang isang mag-asawa matapos matabunan ng lupa sa bayan ng San Fernando noong Sabado.

-- May ulat ni Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.