Babae, patay sa pamamaril sa Mandaluyong

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2016 10:35 AM

MANILA - Patay ang isang babae matapos barilin sa ulo ng hindi pa tukoy na salarin Biyernes ng gabi sa lungsod ng Mandaluyong.

Kinilala ang biktima na si Liwayway Yabut, 39-anyos.

Ayon sa asawa ng biktima na si Fernando, kumakain lamang si Yabut sa tapat ng isang convenience store sa ibabang bahagi ng isang mall sa General Kalentong Street, Barangay Harapin ang Bukas nang may humintong dalawang lalaki sakay ng motorsiklo.

Bumaba ang angkas nito at lumapit sa biktima bago binaril sa ulo si Yabut.

Aminado si Fernando na dati silang gumagamit ng shabu ngunit sumuko na umano sila sa 'Oplan Tokhang' at naka-graduate na umano sila sa programa para sa nga surrenderee.

Sa katunayan, volunteer worker pa nga umano ng Barangay Harapin ang Bukas silang mag-asawa.

Naikuwento rin ng asawa ng biktima na may naramdaman silang sumusunod sa kanya kaya’t nagyaya siyang magpunta muna sa ibang lugar.

Patuloy ang imbestigasyon ng Mandaluyong police sa naturang insidente.