MAYNILA (UPDATE) - Dumarami na ang mga pasahero sa ilang transport hub, halos isang linggo bago ang Pasko.
Sa Ninoy Aquino International Airport, umabot na sa 1.6 milyon ang mga pasahero simula Disyembre 1 hanggang Disyembre 15.
Nireremedyohan na rin ng NAIA ang mga pagkaantala sa pagbiyahe ng mga pasahero gaya ng pagtanggal ng vehicle checkpoints pagpasok ng mga sasakyan na magsusundo o maghahatid ng mga pasahero.
Sa susunod na linggo naman inaasahan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang dagsa ng mga pasahero sa NAIA, ayon kay MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co.
Nagsisimula na aniya ang dagsa ng mga inbound passenger na karamihan ay turista at mga umuwi mula ibang bansa.
Sa datos ng MIAA, 238 porsiyento ang itinaas ng mga pasahero sa NAIA mula Nobyembre 2021.
"Marami rin talaga ang pauwi kasi for the first time in 2 years, ngayon lang ulit tayo talaga magkakaroon ng medyo mababa ang restrictions ng border, kaya maraming kababayan na ngayon lang uuwi at marami na ring turista na inbound at papasok upang makapagbakasyon dito sa Pilipinas," ani Co.
Nakapagtala ang Philippine Ports Authority ng 57 milyong pasahero na bumiyahe sa kanilang mga pantalaan mula Enero, na mas marami kaysa sa 22 milyon noong nakaraang taon.
"Dahil nag-open na rin 'yung biyahe, 'yung ekonomiya, I think mas marunong na mag-ingat 'yung mga kababayan natin 'tsaka medyo siguro kumpiyansa na rin sila sa sitwasyon at kumpiyansa na kilala na kung sino si COVID kaya malakas na ang loob na bumiyahe na," ani PPA General Manager Jay Santiago.
Sa Parañaque Integrated Terminal Exchange, inaasahang papalo sa 150,000 hanggang 160,000 ang daily average ng mga pasahero sa susunod na linggo lalo't may mga biyahe ang kanilang bus hanggang Mindanao.
"Handang-handa tayo dito kasi nagkaroon ng parang dry run nu'ng Undas halos ganito na yung bilang ng pasaherong na naitala natin kaya na-foresee na natin ito, kasi all through the month leading to this holiday season talagang ramdam mo 'yung gigil ng ating mga kababayan, ngayon lang kasi sila nakalabas eh," ani PITX Spokesman Jason Salvador.
Pero sa Araneta Bus Terminal, hindi pa umano ramdam ang exodus dahil nananatiling limitado ang mga bus at ruta na bumibiyahe sa kanila.
Ayon sa general manager ng terminal na si Ramon Legazpi, tanging mga biyahe na papuntang Pampanga at Batangas na lang ang mga bus na nasa kanilang terminal.
"May mga dinesign sila (government) na integrated terminals at considering na makaiwas dito sa mga traffic dito along EDSA, nagtalaga sila ng mga accredited integrated terminal from which isa rin itong Araneta Bus port na na-accredit, pero may mga ruta lang silang dinisenyo sa bawat integrated terminal na karamihan ay nandoon sa Parañaque," ani Legazpi.
Muling pinaalalahanan ang publiko na sumunod sa health protocols at tiyakin na may booking o ticket sa biyahe.
Pinayuhan din ang publiko na alamin ang pagbabago sa schedule ng biyahe at ang mga safety rules.
-- Ulat nina Jacque Manabat at Johnson Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.