PatrolPH

Pamilya ng biktima sa Skyway tragedy, nilinaw na hindi tinanggap ang cash aid ng SMC

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2020 06:31 PM | Updated as of Dec 16 2020 09:23 PM

Pamilya ng biktima sa Skyway tragedy, nilinaw na hindi tinanggap ang cash aid ng SMC 1
Isang lalaki ang nasawi matapos bumagsak ang steel girder sa bahagi ng Skyway extension sa Muntinlupa City noong Nobyembre 21, 2020. Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

MAYNILA — Nilinaw ng pamilya ng lalaking namatay sa Skyway tragedy noong nakaraang buwan na hindi sila tumanggap ng cash assistance mula sa San Miguel Corporation (SMC), taliwas daw sa iniulat ng kompanya.

Kasunod ito ng pahayag ng SMC na nagbigay sila ng aabot sa P20 milyong cash assistance para sa 8 nasaktan sa insidente at sa pamilya ng namatay na si Edison Paquibot. 

Sinabi rin sa pahayag na nangako si SMC President at Chief Operating Officer Ramon Ang na magbibigay ito ng livelihood at edukasyon sa naulilalng pamilya ni Paquibot, bukod pa sa karagdagang financial assistance para sa buwanang pangangailangan. 

Pero ayon kay Jeamie Salvatierra, abogado ng pamilya Paquibot, hindi sila tumanggap ng pera mula sa SMC, puwera sa ginastos para sa libing.

Ayon pa kay Salvatierra, naga-alangan si Marilou Paquibot, misis ni Edison, na tanggapin ang pera dahil baka raw isipin na isinusuko na niya ang kaniyang karapatan sa paghahain ng mga kasong kriminal at sibil laban sa mga kompanya at indibidwal na sangkot sa trahedya.

"Hindi kasi tama iyong 'received' na word when in fact it is just being offered because 'RSA personally wanted to help' daw. I cannot confirm nor deny as to the other victims. But in our case, wala," sabi ni Salvatierra sa ABS-CBN News.

"We just wanted to confirm mainly na a certain amount has been offered but not yet received or given, since ayaw naman namin ma-compromise ang case," dagdag niya. 

Sa text message, sinabi ng SMC na hindi naman nila sinabing tinanggap ni Mrs. Paquibot ang financial assistance, at bagkus sinabi lang din nila ang kahandaan na tumulong sa naulilang pamilya ng biktima.

EEI CORP. REPORT

Sa report ng EEI Corporation, makikita sa schematic diagram na ekslusibong nakalap ng ABS-CBN News kung paanong unang nag-reverse ang crane, at umikot ang boom.

Nag-tilt ang boom patungo sa bahagi ng East Service Road at tumama sa steel girder, na siyang bumagsak sa mga sasakyan at tao.

Sabi ni Salvatierra, lumalabas na may iregularidad sa konstruksyon. 

Kuwestiyonable aniya ang galaw ng crane na dapat ay gabi rin nagtrabaho kung kailan mas kaunti ang dumaraan.

"Findings show there were really irregularities. And the act of the movement ng crane operator was questionable dahil dapat pala, gabi ginawa ‘yun. And dapat hindi 'overextended' ang boom. And they were saying sa report, na-bypass ang safety features ng machine, na may failure on the part of the operator to extend the crane's tracks before rotating, kaya nag-tilt," saad ni Salvatierra.

RELATED VIDEO FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.