PatrolPH

Pagbubukas ng U-turn slot sa tapat ng QC Academy kasado na sa Dec. 18

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2020 08:03 PM

Pagbubukas ng U-turn slot sa tapat ng QC Academy kasado na sa Dec. 18 1
Bubuksan ang u-turn slot sa may Quezon City Academy sa Biyernes, Disyembre 18. ABS-CBN News

Kasado na ang pagbubukas ng U-turn slot sa may Quezon City Academy sa Biyernes base sa kahilingan ng lokal na pamahalaan para maibsan ang matinding trapiko ngayong Christmas season. 

Matatandaang isinara ang naturang slot noong Setyembre para magbigay-daan sa planong mga EDSA busway ng Metropolitan Manila Development Authority. 

Bukod sa trapiko, ito ay para magbigay-daan sa mga emergency vehicle lalo na sa mga sasakyang papunta sa WC General Hospital na COVID-19 facility sa lungsod.

Watch more on iWantTFC

Aabot sa 30,000 motorista ang gumagamit ng nasabing U-turn slot araw-araw. 

Dahil dito, magbubukas ng special lane ang MMDA sa isa pang isinarang U-turn slot sa Panorama na ilalaan sa mga emergency vehicle. 

Isinasaayos na rin ang gagawing zipper lane para sa emergency vehicles na ipapasok sa loob ng busway. 

Tatauhan ng MMDA enforcers ang lugar para masigurong ilalaan lang din ang mga ito para sa mga ambulansiya, bombero at mga pulis. 

Nilinaw naman ni MMDA EDSA traffic czar Bong Nebrija na ang u-turn slot lang sa may Quezon City Academy ang bubuksan. 

Maglalagay naman ng signage ang MMDA para hindi magkalituhan ang mga motorista sa darating na Biyernes. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.