MAYNILA — Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkoles ang saysay ng face shield, matapos ang ilang puna ukol sa umano'y hindi pagiging epektibo nito laban sa COVID-19.
Matatandaang iminandato na ang pagsusuot ng face shield paglabas ng bahay bukod pa sa face mask. Pero giit ng ilang netizen, sapat na anila ang mask at sagabal lang umano ang face shield sa paningin.
Pero sabi ni DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire, mainam na ang dagdag proteksyon para siguradong hindi mahawahan ng COVID-19.
"Sixty-six percent [ang protection] kapag face shield lang, 66 percent kapag face mask lang. So, napag-usapan at [sinabi] naman ng mga eksperto ngayon na kailangang 'pag gumamit ka ng protective measures, kailangan sila ay magkasama para ma-reach natin yung more than 90 percent protection from the virus," ani Vergeire.
Ayon sa Palasyo, may parusa ang mahuhuling walang suot ng face shield, pero depende na ito sa lokal na pamahalaan.
Ibinaba ang bagong utos ilang araw bago ang Pasko, kung kailan posibleng lumobo ang kaso ng COVID-19 dahil sa inaasahang pagtitipon-tipon ng magpapamilya, magkakamag-anak, at magkakaibigan.
Sa huling tala noong Martes, sumipa na sa 451,839 ang bilang ng tinamaan ng COVID 19, kung saan 8,812 dito ang nasawi habang 418,867 ang nakarekober.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, face shield, face mask, COVID-19, pandemic, pandemya, new normal, proteksyon, IATF,TV PATROL, TV PATROL TOP