PatrolPH

DOJ employee arestado sa pangingikil sa Customs broker

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2020 04:54 PM

DOJ employee arestado sa pangingikil sa Customs broker 1
Hinuli ng National Bureau of Investigation ang isang lalaking empleyado ng Department of Justice na nangikil umano sa isang Bureau of Customs broker.

MAYNILA — Arestado ang isang lalaking nagtatrabaho sa Department of Justice (DOJ) dahil sa umano'y pangingikil ng P1 milyon sa isang Customs broker.

Kinilala ang suspek bilang si Louie Miranda, na nagpakilalang emisaryo ni dating Philippine National Police chief Gen. Camilo Cascolan, na sinabi niyang uupo bilang bagong Bureau of Customs (BuCor) commissioner.

Sa isang coffee shop sa Quezon City hinuli si Miranda ng mga myembro ng National Bureau of Investigation matapos tanggapin ang bag ng perang hiningi niya sa biktimang broker bilang "welcome money" o pasalubong umano para kay Cascolan.

Noong una'y itinanggi ni Miranda ang paratang at sinabing hindi niya alam kung ano ang laman ng bag.

Una nang nagsumbong sa NBI Special Action Unit ang broker dahil sa pangingikil ni Miranda noong nakaraang linggo.

Requirement daw ng uupong commissioner ang P1 milyon "pasalubong" ngayong Disyembre kundi ay magiging P10 milyon ang kailangang abot sa Enero.

Itinanggi ng BuCor na kalakaran sa kanila ang sinasabi ni Miranda kaya nakipag-ugnayan din sila sa NBI laban sa mga ganoong kawatan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Cascolan na dapat maimbestigahan kung sino ang nag-utos kay Miranda at nararapat ding kasuhan ito.

Tumanggi namang magkomento ang suspek pero kinumpirma niyang empleyado siya ng DOJ administrative office.

Robbery extortion ang kasong isinampa kay Miranda.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.