Mas mabigat na parusa kontra vandalism, tinututulan

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2019 09:34 PM

MANILA - Inalmahan ng grupong Panday Sining ang panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa bandalismo.

Ayon sa grupo, paraan ito ng administrasyong Duterte upang tanggalin sa lansangan ang mga panawagan ng mga mamamayan.

"Sadyang pinapasikip lalo ni Duterte ang espasyo para sa malayang pagpapahayag ng saloobin ng mamamayan upang maghari ang kadiliman sa bayan," pahayag ng grupo.

Layon ng House Bill 2090 na patawan ng mas mabigat na parusa ang sinumang mahuhuling maninira o magnanakaw ng mga road signs at iba pang mga pasilidad na pagmamay-ari ng pamahalaan.

Sinumang mahuhuling gumagawa ng bandalismo ay maaring patawan ng mula 12 hanggang 15 taong pagkakakulong at pagmumultahin ng hanggang P300,000.

Dagdag pa ng grupo, bagama't sinasabing para sa mga maninira o magnanakaw ng mga traffic signs ang panukala, malinaw umanong ang mga artista na kagaya nila ang "tunay na target" nito.

"Ngunit malinaw na ang tunay na target nito ay ang mga artista ng bayan at mga mamamayan na nagpapahayag ng kanilang mga panawagan sa mga pader at mga kalsada," anila.

Nauna nang idineklarang "persona non grata" ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang Panday Sining kasunod ng bandalismo sa underpass sa lungsod na nauna nang nilinis at pininturahan ng mga tauhan ng City Hall.

Apat na miyembro ng grupo rin ang inaresto dahil sa bandalismo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.