'Marawi hero,' patay sa engkuwentro sa Isabela

Darlene Gemino, ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2019 08:59 PM

ECHAGUE, Isabela - Isang sundalo ang namatay sa bakbakan sa pagitan ng militar at rebeldeng New People's Army (NPA) sa Barangay Villa Rey sa bayan ng Echague sa Isabela nitong Sabado ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Cpl. Adonis Valera na tubong Pinukpok, Kalinga.

Isa si Valera sa mga sundalong nakipaglaban sa Marawi siege at nakatanggap ng Gold Cross medal dahil sa kabayanihan at katapangan.

Bukod kay Valera, dalawa pang sundalo ang sugatan sa insidente. Hindi pa matukoy kung ilan ang nasugatan o nasawi sa panig ng mga rebelde.

“Bago mapasok ang Villa Rey, may nadaanan na Ublagan, kahit sino mag-aalerto sila kasi tinirhan nil ayan, naghiwalay ang 2 teams, inakyat ang high grounds, habang lumalapit sa tuktok sa ground, nagkabulagaan," ayon kay Brig. Gen. Lawrence Mina, commander ng 205th Infantry Brigade.

Mga miyembro ng Regional Sentro de Gravidad, ang grupo ng mga rebeldeng nag-iikot sa buong rehiyon, ang nakasagupa ng mga miyembro ng 86th Infantry Battalion na 3 hanggang 5 araw nang nasa barangay.

Nangangamba naman ang ilang residente ng barangay na baka muling magkabakbakan sa kanilang lugar.

“Malapit lang kami at maraming putok, kaya sinasabihan ko ang mga anak ko na huwag pumunta sa malayo kasi marami pang sundalo baka magkasagupaan muli," ayon sa isang residente.

Dinagdagan na ang tropa ng militar sa barangay at pinaigting ang seguridad lalo pa't wala pa umanong order ng suspension of military operations (SOMO).

"Initially wala pang order na magkaroon ng SOMO, 'yung ating SND (secretary of national defense,) sabi walang peace talks, walang ceasefire, so we will continue, sa akin nga mas maganda nga eh na walang SOMO kasi kahit may SOMO may nangyayari," dagdag pa ni Mina.

Umaapela muli ang militar sa publiko na agad ipaalam sa kanila kung may impormasyon o makitang rebelde sa kanilang lugar.