Hindi bababa sa 4 patay sa Mindanao quake

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2019 04:48 PM | Updated as of Dec 16 2019 08:31 PM

Ilang bangkay ang narekober mula sa isang gumuhong gusali sa Padada, Davao Del Sur kasunod ng malakas na pagyanig sa Mindanao noong Linggo. ABS-CBN News

(UPDATE) Hindi bababa sa apat na tao ang naiulat na nasawi kasunod ng malakas na pagyanig na tumama sa Mindanao noong Linggo.

Sa bayan ng Padada, Davao del Sur, gumuho ang gusali ng isang grocery store, kung saan nakuha ang bangkay ng 2 babaeng may edad 57 at 73, sabi ng mga fire official sa isang press conference kasama ang alkalde na si Pedro Caminero Jr.

Watch more in iWantTFC

Nananatili namang nakabaon umano sa debris ang isa pang bangkay.

Anim na tao ang nawawala at posibleng nasa ilalim ng gumuhong gusali, ayon sa mga awtoridad.

"Our priority is (finding) signs of life, which we hope we can still rescue," sabi ng fire official na si Senior Supt. Fred Trajeras.

Watch more in iWantTFC

Sa kalapit na bayan ng Matanao, patay ang isang 6 na taong gulang na babae matapos madaganan ng pader sa gumuho nilang bahay.

Patuloy pa ring nakararanas ng aftershocks ang ilang lugar sa Mindanao, ayon sa mga ulat.

Hindi pa man tuluyang nakababangon sa 3 lindol na tumama noong Oktubre, muling niyanig ng lindol ang malaking bahagi ng Mindanao noong Linggo.

Naitala ang epicenter ng magnitude 6.9 na lindol sa layong 6 kilometro northwest ng bayan ng Padada sa Davao del Sur, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Watch more in iWantTFC

Pero hindi parehong fault ang gumalaw sa lindol noong Linggo at sa mga lindol noong Oktubre, ayon kay Phivolcs chief Renato Solidum. 

Ipinaliwanag ni Solidum na ang lindol noong Linggo ay posibleng dahil sa Tambulan Fault habang ang mga pagyanig noong Oktbure ay bunsod ng Cotabato fault system.

Pinag-aaralan pa ng Phivolcs kung may koneksiyon ang serye ng mga pagyanig sa rehiyon sa nakalipas na buwan.

Watch more in iWantTFC

Ilang bahay, paaralan at iba pang mga gusali rin sa Mindanao ang gumuho o nagkabitak-bitak dahil sa lindol.

Watch more in iWantTFC

Sinimulan na rin ngayong Martes ang inspeksiyon sa mga gusali sa mga lugar na naapektuhan ng lindol, gaya ng sa General Santos City at Davao City.

Watch more in iWantTFC

Sa Cotabato province, Maguindanao, at Cotabato City, ilang paaralan ang nagkansela ng klase para bigyang-daan ang inspeksiyon ng mga gusali.

Upang mabawasan ang pag-aalala at takot ng mga magulang, nagsagawa ang Lingkod Kapamilya ng stress debriefing sa Padada sa pamamagitan ng mga laro, kuwentuhan at kantahan.

Watch more in iWantTFC

Nakatakdang mag-ikot sa Martes ang Operation Sagip ng ABS-CBN para sa relief operation sa mga naapektuhan ng lindol. -- Ulat nina Claire Cornelio, Vina Araneta, Jeff Canoy, Bernadette Sembrano, Bonna Pamplona, Lore Mae Andong, at Yeng Mangompit, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.