4 patay matapos araruhin ng SUV sa Bulacan

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2019 10:46 PM

(UPDATE) Umakyat na sa apat na tao ang kumpirmadong patay matapos araruhin ng isang sports utility vehicle (SUV) ang 6 sasakyan sa kahabaan ng McArthur Highway sa Bocaue, Bulacan nitong Lunes.

Ayon kay police chief Col. Rizalino Andaya, hepe ng Bocaue Philippine National Police, sa ospital na namatay ang ikaapat na biktima na sakay ng motorsiklong sinalpok ng SUV.

Dagdag ni Andaya, kritikal pa rin ang dalawang isinugod din sa ospital.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pababa ng flyover sa southbound lane ng MacArthur Highway ang SUV nang banggain ang isang motorsiklo.

Sinubukan umano ng SUV na takasan ang kaniyang nabundol at nag-counterflow, dahilan para maararo ang 6 sasakyan, karamihan ay mga tricycle at motorsiklo.

Bukod sa 3 dead on the spot, 4 na tao ang itinakbo sa pagamutan, kabilang ang kakapanaw lang na biktima at ang driver ng SUV na kinilalang si Fernando Salvador Roxas.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries, at damage to property.

Sasailalim din sa drug test si Roxas matapos magamot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.