PatrolPH

Mag-ama, sugatan nang banggain ng kotse ang sinasakyang motorsiklo

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2018 11:42 PM | Updated as of Dec 17 2018 12:35 AM

POLOMOLOK, South Cotabato - Sugatan ang dalawang lalaki matapos banggain ng isang kotse ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa bayang ito Linggo ng umaga.

Nangyari ang insidente malapit sa Matin-ao Bridge. Sumalpok ang kotse sa motorsiklo ng mag-amang Pedrito Resuera, 68 anyos, at Joseph Resuera, 34 anyos.

Sa lakas ng pagkakasalpok ay tumilapon ang dalawang biktima. Kasalukuyan silang nagpapagaling sa ospital.

Aminado ang drayber ng kotse na si Baltazar Giducas na inaantok siya nang mangyari ang aksidente. Ayon sa pulisya, nakahanda umano si Giducas na sagutin ang gastos sa ospital.

"Aminado naman 'yung driver ng kotse na kasalanan niya dahil nakatulog nga daw sya. Sasagutin naman daw nya ang gastos sa ospital at pagpapaayos sa mga sira," ani PO3 Marlon Garcia, traffic investigator ng Polomolok Municipal Police Station.

Patuloy na pinag-iingat ang mga tsuper sa pagmamaneho dahil ngayong Disyembre lang ay higit sa 50 na ang aksidenteng naitala sa bayan ng Polomolok.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.