PatrolPH

Angkas, grupo ng motorcycle riders nagdaos ng protesta sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2018 08:11 PM | Updated as of Jul 18 2019 12:34 PM

Watch more on iWantTFC

Daan-daang motorcycle rider ang nagdaos ng motorcade at noise barrage sa EDSA nitong Linggo upang iprotesta ang pagbawal sa paggamit ng mga motorsiklo sa ride-sharing platform at paglagay ng mga plaka sa harap ng mga motorsiklo.

Inabot ng higit isang kilometro ang haba ng motorcade sa kahabaan ng northbound lane ng EDSA na nagsimula sa People Power Monument.

Kabilang sa mga lumahok ang mga motorcycle rider ng ride-hailing app na Angkas, na hiniling sa gobyerno na gawing legal ang paggamit ng mga motorsiklo sa ride-sharing.

Binaliktad kamakailan ng Korte Suprema ang naging desisyon ng Mandaluyong Regional Trial Court na nagpapahintulot sa operasyon ng Angkas at nag-isyu ng isang temporary restraining order (TRO) laban dito.

Bilang epekto, maaari na muling hulihin ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga rider ng Angkas na kumukuha ng pasahero.

Magugunitang ipinatigil na noon ng pamahalaan ang operasyon ng Angkas dahil maituturing umano silang kolorum dahil hindi daw pinapayagan sa batas ang mga motorsiklo bilang "public transport."

Ayon kay George Royeca, head ng regulatory and public affairs sa Angkas, sapul ng TRO ang hanapbuhay ng kanilang 25,000 riders.

Pinaalalahanan din ng Angkas ang kanilang riders na sumunod muna sa TRO, ani Royeca.

"We and Angkas will comply with the TRO," ani Royeca.

Inihahanda na ng Angkas ang kanilang komento sa TRO na isusumite nila sa Korte Suprema sa Lunes.

Samantala, hinimok naman ng isang grupo ng motorcycle riders ang gobyerno na pag-isipan ang plano nitong paglalagay ng mga plaka sa harap ng mga motorsiklo.

Ayon sa grupong Motorcycle Rights Organization, delikado ang paglagay ng plaka sa harap ng motorsiklo dahil kapag malakas ang hangin ay maaari daw itong lumipad at makapanakit, hindi lamang sa mismong rider kundi sa ibang motorista.

Isang panukala sa Senado ang may layong utusan ang Land Transportation Office na maglabas ng malalaking plaka na dapat ilagay sa parehong harap at likod na bahagi ng motorsiklo.

-- Ulat nina Kevin Manalo at Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.