Reklamo sa nakanselang airline ticket, inaksiyunan

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2017 07:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naibalik ang pasahe sa flight ng isang misis matapos tutukan ang reklamo niya na nakansela ang kaniyang ticket pauwi ng Maynila bagaman wala silang ginawang cancellation online. 

Masama ang loob ng mag-inang Rey Acas at Virgencita Punzalan sa Cebu Pacific matapos makansela ang flight ng ina galing Dipolog noong Nobyembre 9 kahit wala umanong ginawang cancellation online.

Naalarma ang anak niyang si Acas na nasa Maynila kaya dali-daling nagpadala ng pera para makasakay kinaumagahan ang ina.

Kuwento niya, wala man lang e-mail na nakansela ang booking bago ang flight.

Confirmed na rin aniya ang booking at pumunta ng airport ang ina kaya walang saysay na ika-cancel nila online ang flight.

Sagot naman ng Cebu Pacific, kinansela ang flight ni Punzalan sa "manage booking" section ng website pero hindi naman anila ma-trace kung sino o anong IP address ang ginamit.

Nang tinanong ng “Tapat na Po” ang Civil Aeronautics Board, responsibilidad ng airline na patunayang ang pasahero ang nagbago ng booking.

Pero nagmagandang-loob naman ang Cebu Pacific at ibinalik ang pasahe sa cancelled flight ni Punzalan at may isang libreng ticket.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.