PANOORIN: Pagsagip sa sumadsad na balyena sa Honda Bay

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2017 03:15 PM | Updated as of Dec 16 2017 03:54 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Video courtesy of PNP-Maritime Group

Sugatan ang isang balyenang natagpuang sumadsad sa Honda Bay sa Puerto Princesa, Palawan Sabado ng umaga.

Namataan ang balyena sa karagatang nasasakupan ng Honda Bay sa Barangay Sta. Lourdes.

Unang rumesponde ang mga bangkero at tour guide sa lugar na sila ring nagbigay-alam sa awtoridad sa nangyari.

"Nakatanggap ako ng info from tourist guide. We asked for assistance sa PCG (Philippine Coast Guard) at Maritime (Philippine National Police Maritime Group)," ayon kay Ma. Vivian Soriano, senior ecosystems management specialist ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO).

Agad namang rumesponde ang PNP Maritime Group at PCG sa Luli Island, kung saan nabahura ang balyena.
 
Tinatayang higit kumulang nasa 20 talampakan ang balyena na maaaring nagtamo ng sugat dahil sa pagkakasadsad nito sa corals.

"Gagaling naman 'yun kasi mababaw lang," sabi ni Soriano.

Nagtulong-tulong ang awtoridad kasama ang mga bangkero at tourist guides para maitulak muli sa malalim na bahagi ng dagat ang balyena.

Laking pasalamat naman ng CENRO na walang nagtangkang manakit sa balyena sa kabila ng mga bangkang may lulan na mga turista na huminto upang makita ito.

Sinundan naman ng PCG ang balyena hanggang makalangoy ito sa open sea.

Gagawa umano ng report ang CENRO at ipapadala sa mga whale expert upang malaman ang uri ng balyenang sumadsad sa Honda Bay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.