Notoryus na carnapper sa Cavite, naaresto matapos mamukhaan sa CCTV

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2017 07:11 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang notoryus na carnapper sa Dasmariñas, Cavite matapos makilala sa pamamagitan ng CCTV footage na ipinalabas sa "TV Patrol" noong Oktubre 23.

Sa kuha ng nasabing CCTV sa Aguinaldo Highway madaling araw ng Oktubre 16, kitang huminto sa intersection ang babaeng sakay ng motorsiklo.

Nakasunod na pala sa kaniya ang tatlong lalaking sakay rin ng motor at maya-maya pa ay hinablot ang motor niya sabay tadyak at harurot palayo.

"Biglang sumakay po iyong lalaki, umangkas po sa akin then pinapababa nga ako . . . Nilapit ko doon sa truck pero wala namang nagawa iyong truck [kaya] iyon napuwersa na po ako," kuwento ng biktimang si Casilyn Macalagin.

Dahil sa kuha ng CCTV, agad nakilala ang pangunahing suspek na si Jeffrey Pacia.

Matagal na tinugis si Pacia hanggang sa maaresto nitong Martes.

Nabawi sa kaniya ang isang granada at mga bala.

Wanted din si Pacia sa pag-hoholdap ng isang spa noong Oktubre 14 at extortion naman noong Oktubre 18.

Depensa ng suspek, "napagkatuwaan" lang aniya ang biktima.

"Napagkatuwaan lang naman namin iyon . . . Sana mapatawad pa nila ako, nagsisisi ako sa ginawa ko," ani Pacia.

Pero giit ng pulisya sa lugar, natoryus na talaga ang suspek sa mga ilegal na gawain.

"Masasabi nating notoryus siya dito dahil sa dami ng nabiktima . . . Base na rin doon sa nag-viral sa Facebook, maraming nagtutungo dito na mga complainant," kuwento ni Chief Inspector Fermel dela Cruz, deputy chief ng Dasmariñas Police.

Patong-patong na kaso ang isasampa kay Pacia na non-bailable o walang piyansa.
 
--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.