Mga Pinoy dagsa sa mga simbahan para sa umpisa ng Simbang Gabi

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2017 02:00 PM | Updated as of Dec 16 2017 07:21 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Libo-libo ang maagang gumising para dumalo sa unang araw ng Simbang Gabi sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Sa Baguio City, tiniis ng marami ang lamig ng madaling araw para makadalo sa misa na pinangunahan ni Baguio City Bishop Victor Bendico sa Our Lady of Atonement Cathedral.

Sumentro si Bishop Bendico sa ginagampanang papel ng Diyos bilang “our truth, our way and our life.” Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagbabasa ng salita ng Diyos.

"Let the Simbang Gabi be a vehicle for us to reflect on who God is. Let the voice of God be heard in the world, especially the voice of gospel so that all stains and lies be destroyed," sabi ni Bishop Bendico.

Dinagsa ng mga deboto ang Our Lady of Atonement Cathedral sa Baguio City para sa unang araw ng Simbang Gabi. Justin Aguilar, ABS-CBN News

Ang siyam na araw na Simbang Gabi ay isang tradisyon ng mga Katoliko bilang paghahanda sa selebrasyon ng Pasko.

Marami rin ang naniniwala na matutupad ang anumang hiling kapag nakumpleto ang higit isang linggong misa. 

May ilang mga deboto naman tulad ng pamilya ni May Ann Dacanay ang lumalahok sa mga misa bilang paraan para ibahagi sa kanilang mga anak ang paniniwala sa Diyos.

Sa Cebu City, alas-3 pa lang ng madaling araw nang magsidatingan sa Cebu Metropolitan Cathedral ang mga deboto.

Dahil walang tigil ang ulan simula pa Biyernes ng gabi, may ilan ang nagdala ng kanilang mga payong. 

Samantala, sa Consolacion, Cebu, dagsa rin ang mga nagsimbang gabi sa San Isidro Labrador Parish.

Kahit hindi pa tapos ang konstruksyon ng simbahan, marami pa rin sa mga taga-karatig barangay ang dumalo sa misa. 

Si Cebu Archbishop Jose Palma mismo ang siyang namuno sa misa.

Sa kaniyang homily, hinimok niya ang lahat ng nagsimba na kumpletuhin ang siyam na araw ng Simbang Gabi. Ito'y bilang paghahanda sa pagsilang kay Kristo.

Kanya din binigyang importansiya sa misa ang pagpapahalaga ng lahat sa Holy Eucharist.

Pinasalamatan din ng lubos ng obispo ang lahat ng nag-ambag upang masimulan ang konstruskyon ng simbahan.

Matatandaan na sinimulan ang konstruksyon ng San Isidro Labrador Parish sa Consolacion noong Mayo pa. 

Target ng parokya na matapos ito sa Mayo sa susunod na taon.

Naging posible ang konstruksyon ng simbahan sa tulong ng mga taga-barangay at pribadong sektor.

Ayon sa Cebu City Police Office (CCPO), wala namang naitalang anumang krimen sa simula ng Simbang Gabi sa Cebu ngayong araw. 

Dagsa ng tao sa Quiapo

Dumagsa naman sa Quiapo Church ang mahigit 3,000 deboto.

Bata o matanda, mag-isa o kasama ang pamilya't mga kaibigan -- hindi alintana ng mga nagsidalo ang maginaw na panahon -- maipakita lang ang pananampalataya.

Bukod sa mga deboto, nakapagsisimba rin ang mga tindero't tinderang nasa paligid ng simbahan. 

Ayon naman sa hepe ng Manila Police District na si Chief Supt. Joel Coronel, naging payapa at walang naitalang untoward incidents sa unang araw ng Misa de Gallo sa Quiapo.

Nasa 2,750 na pulis at 1,600 force multipliers ang naatasang magbantay sa seguridad ng 72 simbahan sa Maynila. 

-- May ulat nina Arra Perez, Donna Lavares, at Justin Aguilar, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.