Mga kaanak ng mga biktima ng pagpatay, sumailalim sa 'laughter yoga'

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2017 06:59 PM | Updated as of Dec 17 2017 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mahigit 80 pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) ang nagsama-sama para dumaan sa tinatawag na "Pinoy Laughter Yoga." 

Nakatutulong umano ang laughter therapy sa mga pamilya ng mga biktima ng EJK bilang bahagi ng kanilang pagbangon mula sa matinding kalungkutan.

May kani-kaniyang kuwento ang bawat pamilyang kalahok sa programa sa Santuario de San Vicente de Paul Seminary sa Quezon City.

Kuwento ni Shirley Fernandez, isang taon na ang nakalipas nang mapatay ang kaniyang pamangkin matapos mapagbintangang tulak o gumagamit umano ng droga. 

"Gumagaan ang pakiramdam [ko] at nalilimutan namin ang mga pangyayari sa pagkamatay ng pamangkin ko," ani Fernandez. 

Ayon sa laughter yoga expert na si Paolo Trinidad, malaki ang magagawa ng tawa't halakhak para sa mga gaya ni Aling Shirley na sinusubukang makabangon sa pinagdaraanang matinding kalungkutan.

"Tumataas 'yung self-esteem nila mula sa pinagdaraanan nila kapag tumatawa sila, kaysa kapag lagi silang malungkot," paliwanag ni Trinidad.

Ang mga pamilyang lumahok sa Pinoy laughter yoga ay kasama sa mga kinukupkop ng Diocese of Novaliches.

"Malaking bagay itong ginagawa ni Paolo para sa spiritual at emotional na pagbangon ng mga kamag-anak ng mga biktima ng EJK," ani Fr. Joselito Sarabia na isa ring guidance counselor sa simbahan.

Sa tulong umano ng Diyos, sila ay babangon at unti-unting magpapatawad.

"Ang mahalaga dito, 'yung Diyos na siyang pinapapurihan natin para makabangon itong mga kapatid nating matindi ang pinagdaanan," ani Trinidad.

Libo-libo na umano ang napapatay sa ilalim ng kampanya ng administrasyon laban sa ilegal na droga. Ayon sa gobyerno, wala itong kinalaman sa mga extrajudicial killings. 

Ang may 3,800 umano na mga suspek na napatay sa mga operasyon ng pulis mula umupo si Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2016 ay pawang nanlaban. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.