Kotse pumailalim sa truck; 3 patay

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2017 04:35 PM

Nawasak ang isang sasakyan matapos bumangga sa isang delivery truck sa Bantay, Ilocos Sur nitong Sabado, Disyembre 16, 2017. Denis Agcaoili, ABS-CBN News

BANTAY, Ilocos Sur - Tatlo ang patay matapos pumailalim sa delivery truck ang isang kotse habang binabagtas ang national highway sa bahagi ng Barangay Guimod Sabado ng madaling araw.

Wasak ang sasakyan at natapyas pa ang bubong nito nang bumangga sa truck. 

Agad binawian ng buhay ang drayber ng kotse na si dating barangay chairman Antonio Pamo, ang pamangkin nito na si Jaymark Pamo, 19, at security guard na si Rudolph Sistosa.

Kritikal naman ang kondisyon ni Wilson Tapiceria na inoobserbahan pa sa Intensive Care Unit ng ospital.

Ayon kay Chief Inspector Edgardo Medrano, nanggaling ang truck sa isang warehouse sa gilid ng national highway at nang paabante na ito pa-hilaga, bigla na lang sumalpok at pumailalim ang umano’y mabilis na kotse.

“Talagang mabilis at base na rin sa salaysay ng pahinante ng truck ay iniispotan pa niya ng flashlight at 'yun nga, hindi daw siya nag-slow down. Dumire-diretso pa. "Buti nga nakailag ako sir," sabi ng pahinante,” ayon kay Medrano.

Nakakulong sa custodial facility ang truck driver na si Marlon Nieto.

Iginiit niya na talagang mabilis ang kotse.

Hirap namang tanggapin ni June Pamo ang sabay na pagkamatay ng anak na si Jaymark at kapatid na si Antonio.

“Nakakalungkot sa akin, lalo na't na-kuwan 'yung mama niya, andun sa Hong Kong. Kaya di ko matanggap ang nangyari, lalo't sa Christmas na ito,” ayon sa ama.

Lumalabas na nakainom ng alak ang grupo.

Bago ang insidente ay dumalo sila sa Christmas party sa kanilang barangay sa San Ildefonso, Ilocos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.