PatrolPH

Lalaking umano’y akyat-bahay tiklo sa Tondo

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2021 06:36 AM | Updated as of Dec 15 2021 06:48 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Arestado ang 1 lalaki matapos mahuli sa aktong inaakyat ang 1 bahay sa Barangay 209 sa Tondo, sa lungsod na ito noong Linggo.

Ayon sa biktimang si Nena Suarez, Linggo ng gabi nang mapansin nilang tahol nang tahol ang alaga nilang aso.

Narinig na lang nila na may kumakaluskos sa kanilang sala at nang silipin, nakita ang anino ng tao mula sa bintana.

Agad silang lumabas at nahuli ang 1 lalaking inaakyat na ang bintana ng kanilang bahay.

Sa tulong ng mga taga-barangay, inaresto ang suspek.

Dayo lang siya umano sa lugar na nangangalakal ng basura.

Ayon sa suspek, dumaan lang siya sa bahay ng biktima para tingnan kung may makukuhang kalakal. Aminado rin siya sa paggamit ng ilegal na droga.

Ayon sa mga pulis, suki na umano ang suspek sa presinto dahil sa mga reklamo ng pagnanakaw. Pero dahil walang tumutuloy magsampa ng kaso, nakalalaya rin ang suspek.

Nakuha sa kaniyang bag ang tools tulad ng lagari at martilyo na galing pa sa hardware shop ng mga Suarez.

Ito na ang ika-3 pagkakataon na nilooban sila.

Hindi naman narekober ang cellphone ng isang kapatid.

Desidido silang ituloy ang pagsasampa ng kasong pagnanakaw laban sa suspek na ayon sa kanila ay para magtanda siya at hindi na maulit ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.