PatrolPH

Ikalawang bugso ng national COVID-19 vaccination days umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2021 11:57 AM | Updated as of Dec 15 2021 08:36 PM

Pinangunahan ng Inter-Agency Task Force at National Task Force Against COVID-19 ang pagsisimula ng ikalawang national vaccination drive sa Cabanatuan, Nueva Ecija, Disyembre 15, 2021. Vivienne Gulla
Pinangunahan ng Inter-Agency Task Force at National Task Force Against COVID-19 ang pagsisimula ng ikalawang national vaccination drive sa Cabanatuan, Nueva Ecija, Disyembre 15, 2021. Vivienne Gulla

MAYNILA — Umarangkada ngayong Miyerkoles sa 6 na rehiyon sa Luzon ang ikalawang bugso ng 3 araw na national COVID-19 vaccination days, na target makapagbakuna ng 7 milyong indibiduwal.

Kabilang sa mga nagsagawa ng pagbabakuna ang National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, at Calabarzon.

Iniurong naman sa Disyembre 20 hanggang 22 ang bakunahan sa nalalabing bahagi ng bansa dahil sa Bagyong Odette.

Sa Nueva Ecija, pinangunahan nina Health Secretary Francisco Duque III, Vaccine Czar Carlito Galvez at Presidential Adviser on COVID-19 Response Vince Dizon ang pagsisimula ng malawakang pagbabakuna sa Cabanatuan City.

Mula sa dating 14, umakyat sa 23 ang COVID-19 vaccination sites na binuksan sa Nueva Ecija.

San San Miguel, Maynila, maagang pumila ang mga senior citizen sa National Center for Geriatric Health para magpa-booster shot.

"Para po ligtas kami kasi unang-una senior kami," sabi ni Angelina Jimenez, isa sa mga magpapabakuna sa naturang pasilidad.

Nilinaw naman ng pamunuan ng National Center for Geriatric Health na puwede ring magpabakuna sa kanilang pasilidad ang mga hindi senior basta lumipas na ang 6 na buwan mula nang mag-second dose ng COVID-19 vaccine.

Sa Pasig City, binuksan bilang vaccination site ang ilang eskuwelahan at ang Tanghalang Pasigueño.

"First come, first serve" ang sistema sa Pasig at maaaring mag-walk-in basta dalhin ang ID at Pasig Pass QR code.

Noong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 ang unang national vaccination drive pero pinalawig ito hanggang Disyembre 3. Sa kabuuan, higit 10 milyon ang naturukan noong unang round.

Higit 6 milyong doses ng dagdag na supply ng COVID-19 vaccines naman ang dumating sa Pilipinas noong Martes.

Kabilang dito ang mga bakunang Janssen, Moderna, at Sinovac na donasyon mula Austria, Sweden, France, Spain, The Netherlands at China.

Ayon kay Duque, ipamamahagi ang mga bakuna sa iba-ibang rehioyn na nangangailangan ng dagdag na supply kasama ang Bangsamoro region.

— May ulat nina Vivienne Gulla, Lady Vicencio at Jekki Pascual, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.