Writ of Kalikasan inihain sa SC kaugnay sa gagawing paliparan sa Bulacan

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2020 06:44 PM | Updated as of Dec 15 2020 08:10 PM

Writ of Kalikasan inihain sa SC kaugnay sa gagawing paliparan sa Bulacan 1

MAYNILA (UPDATE) - Naghain ng Writ of Kalikasan sa Korte Suprema ang mga mangingisda at civil society group laban sa San Miguel Corporation na siyang nagmamay-ari ng San Miguel AeroCity sa Bulakan, Bulacan. 

Isinampa ang kaso ng grupo na pinangunahan ng Oceana para ipatigil ang reclamation ng Manila Bay at iligtas ang lamang dagat at migratory birds na labis na maapektuhan ng konstruksyon ng paliparan.

Apektado rin umano dito ang kabuhayan ng mga mangingisda at malaki ang environmental impact nito.

Sa virtual press conference ng Oceana, binanggit ng speakers ang grounds ng kaso. Una na riyan ang umano'y paglabag sa Philippine environmental laws na kailangan sundin bago simulan ang isang airport project. 

Wala raw Environmental Compliance Certificate o ECC para sa pagpapatayo ng airport. ECC lang para sa land development ang mayroon ang San Miguel Aerocity. 

"The grounds that we have enumerated are first of all, Philippine Environmental laws which should enforce and that should regulate the airport project were violated or circumvented," paliwanag ni Atty. Gregorio Viterbo Jr., ang legal counsel ng Oceana.

Apektado na rin daw ang mangroves sa mga fishpond kung saan marami na ang pinutol o tinanggal. Importante anila ang mangroves dahil malaki ang naitutulong nito para kontrolin ang storm surge at pagbaha.

Ipinaliwanag ni Xian Guevarra, isang climate activist at National Convenor of Youth Advocates for Climate Action Philippines, ang kahalagahan ng mga mangrove o bakawan sa lugar.

"Yung mga mangroves, ito yung mga natural wave barriers sana natin and this could help in lessening the impacts of strong typhoons. It’s time to ask ourselves na bakit kaya ang government institution na ito, na supposedly sila nagpo-protect ng environment natin ay sila yung nagdedefend ng atrocities na ginagawa ng reclamation project na ito," aniya.

Dahil din sa development, labis na apektado umano ang kabuhayan ng mga mangingisda sa Bulakan, Bulacan dahil tatambakan raw ang mga fishpond kung saan maraming mga isda, hipon, alimango at iba pang yamang dagat.

Ito ang dahilan kaya labis ang pagtutol ng Aniban ng mga Manggagawa sa Agrikultura na pinangungunahan ni Renato Dela Cruz. 

"Sapagkat yung lugar na kanyang pagtatayuan, yun ang catch basin ng lahat ng mga nanggagaling na tubig sa mga water reservoir ng Angat tsaka ng Bustos dam. Nung nakaraang bagyo, wala pa dun yung airport, naranasan na namin ang di pangkaraniwan na pagtaas ng tubig. Kung doon pa itatayo ang airport, ibig sabihin ito ay malaking magiging bara doon sa mga daluyan ng mga tubig at mabilis na lulubog ang aming mga palayan pati yung lahat ng komunidad," aniya.

Bukod sa mga yamang dagat, may epekto rin sa mga residente at migratory birds ang pagpapatayo ng paliparan. Mabubulabog daw kasi ang kanilang habitat lalo pa’t maraming endangered species doon.

Ayon sa pangulo ng Wild Bird Club of the Philippines na si Mike Lu, dapat isinaalang-alang din ang kapakanan ng mga ibon sa pagpapatayo ng bagong airport. 

“The presence of huge congregation of birds is an indication of the rich marine life in the area and this huge congregation of birds should be cause for concern for the location of the airport. Whether we like it or not, we cannot move the birds away from the migration route," ani Lu.

Isa pang basehan ng kaso ay ang panganib ng climate change dahil sa laki ng epekto nito sa ecosystem kung saan mas malaki ang nakaambang panganib ng baha at soil erosion, lalo na kapag lumindol. Wala na raw kasing tutulong magkontrol para sa proteksyon ng lupa.

Nauunawan naman ng grupo ang pangangailangan para sa dagdag at bagong paliparan, pero dapat daw ay isinaalang-alang din ang kapakanan ng kalikasan at ng mga taong maaapektuhan.
 
Ayon naman sa SMC, maraming Pilipino ang makikinabang sa gagawing paliparan at tinitiyak nilang maayos at sustainable ang development ng proyekto. 

Ito aniya ang dahilan kaya pinili nila ang Boskalis Phils. Inc na isang global dredging contractor. Nakadisenyo umano ang airport na may pinakamataas na technical at environmental standards kung saan kakayanin nito ang anumang banta ng natural calamity gaya ng bagyo at lindol.

Ang respodents sa kaso ay ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Transportation, DENR- Environmental Management Bureau Region-3, Silvertides Holding Corporation at San Miguel Aerocity Inc.

Hinihiling sa kaso ang Temporary Environmental Protection Order (TEPO) para pigilan ang Silvertides Holdings Corp at San Miguel AeroCity Inc sa kanilang land development at konstruksyon ng paliparan.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC