Tinutulungan ni Rachel Senolos ang kaniyang 2 anak sa pag-aaral ng mga modue nito noong Oktubre 5, 2020. Mark Demayo, ABS-CBN News
Pabor si Victoria Bungubung sa panukalang pagbabalik ng face-to-face classes.
Si Bungubung ang nagtuturo sa kaniyang anak na Grade 4 student ngayong online ang paraan ng pagtuturo.
Dahil wala naman siyang kasanayan sa pagtuturo at mahina ang phone reception sa kanilang lugar, iba pa rin daw kung mismong guro ang magtuturo sa kaniyang mga anak.
"Kawawa kasi ang mga bata, walang matututunan sa loob ng isang taon. Pero nandoon nga, nagmo-module, iba pa rin talaga ang turo ng teacher," ani Bungubung.
Tutol naman sa pagkakaroon ng face-to-face class si Michelle Oroña, na tinuturuan ang kaniyang 4 na anak kahit pa nagtatrabaho.
"Kasi po 'yong virus talaga hindi mo talagang maiiwasan po talagang kahit na mag-ingat ka," ani Oroña.
"Kung may sinasabi nilang gobyerno na may vaccination na, doon na po siguro mag-face-to-face."
Gabi ng Lunes, inanunsiyo ng Malacañang na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala ng Department of Education na magsagawa ng dry run o pilot implementation ng face-to-face classes sa Enero 2021.
Pero dapat nasa low-risk area o modified general community quarantine ang paaralan.
Boluntaryong papasok ang mga estudyante. May written constent dapat ng magulang at susunod sa health standards sa paaralan, tahanan at transportasyon.
Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, may checklist ding dapat sundin ang mga paaralan para matiyak na masusunod ang health standards kontra COVID-19.
Kasama umano rito ang physical distancing sa mga classroom, at availability ng face masks, face shield, at hand-washing facilities.
"Sakaling may mag-positive or ma-expose in the classroom or during the time that these (dry run) are being done ay [dapat] malinaw 'yong referral protocols natin with the LGU (local government unit) and local health units," ani Malaluan.
Sakaling masama sa dry run ang isang paaralan, may schedule din ng pagpasok sa klase ang mga estudyante.
"Ito ay magiging complement lamang din ng patuloy na distance learning pero magkakaroon lang ng certain schedules na maaaring makapunta ang mga bata sa paaralan," ani Malaluan.
Bukas naman ang ilang eksperto sa pilot implementation ng face-to-face classes.
"Siguraduhin lang natin na ma-maintain ang physical distance and nakasuot ang mga bata saka mga guro natin ng face mask. And importante ma-maintain natin ang maganda sirkulasyon, kailangan buksan natin 'yong mga bintanang yan," ani Dr. Maricar Limpin, vice president ng Philippine College of Physicians.
"'Yon bang eskwelahan ay ready na sa new normal infrastructures?" anang public health expert na si Dr. Tony Leachon.
Ayon kay Sen. Nancy Binay, hindi dapat madaliin ang dy run kung hindi handa ang mga paaralan at local government unit.
Para sa National Parents-Teachers Association Federation, hindi magpapabaya ang pamahalaan sa dry run ng face-to-face classes.
"Hindi naman po ito compulsary. Doon siguro sa mga ayaw, we will take a request na they will stay in modular," ani PTA Federation President Willy Rodriguez.
Tiniyak naman ng DepEd na batid nila ang risk factors sa mga bata sa paaralan.
"Kaya nga napakaingat ng approach natin. At hindi pa ito ang magiging pinal na rekomendasyon ni Secretary [Briones]," ani Malaluan.
Ayon sa DepEd, nagsumite na ang regional directors ng mga paaralang nominado para sa dry run, na dadaan sa evaluation at tutukuyin ngayong Disyembre.
Kapag napili, dadaan sa orientation, mobilization at readiness confirmation ang paaralan bago ang aktuwal na dry run.
Ayon pa sa DepEd, maituturing na shared responsibility ng ahensiya, LGU at ng mga magulang ang pagbabalik-eskwela ng mga kabataan.
-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, edukasyon, education, Department of Education, face-to-face classes, face-to-face classes dry run, National Parents-Teachers Association Federation, Covid-19 pandemic, education new normal, distance learning, TV Patrol, Arra Perez