PatrolPH

5 bahay sumiklab sa Tondo; 10 pamilya apektado

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2020 10:54 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Limang bahay ang natupok matapos masunog ang isang residential area sa Tondo, Maynila nitong Martes ng hapon.

Ayon sa Bureau of Fire Protection-Manila, alas 4 ng hapon nagsimula ang naturang sunog sa 1160 Teodoro Santos St. Nagsimula umano sa bahay ng pamilya ng isang Edgar Ocampo ang pagsiklab, at nadamay ang apat pang katabing bahay na pawang gawa sa light materials.

Ayon sa hepe ng intelligence and investigation section na si F/Sr. Insp. Guillermo Firmalino Jr., may kinalaman sa koneksiyon sa kuryente ang sanhi ng sunog na nagsimula sa likod ng bahay ni Ocampo. 

 

Kuwento ng mga nasunugan, hindi nila namalayan ang apoy at nagulat na lang sila nang may biglang pumutok sa kapitbahay. Nataranta ang ilang residente pero si Samuel Esguerra ay nakakuha pa ng ilang mahahablot na gamit saka lumayo sa sunog. 

Medyo pahirapan umano ang papasok sa lugar dahil masikip ang eskinita at mahaba ito. 

Pasado alas-6 ng gabi ay idineklarang fire-out na ito. 

Dahil sa sunog, 10 pamilya ang apektado at nasa P60,000 ang halaga ng mga nasunog na ari-arian.

Pansamantala namang makikituloy sa mga kaanak at kapitbahay ang mga nasunugang residente.--Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.