Malaking bahagi ng Mindanao niyanig ng magnitude 6.9 na lindol

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2019 06:13 PM | Updated as of Dec 15 2019 06:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Niyanig ng magnitude 6.9 na lindol ang ilang bahagi ng Mindanao ngayong hapon ng Linggo, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Naitala ang epicenter ng lindol sa layong 6 kilometro northwest ng bayan ng Padada sa Davao del Sur, ayon sa Phivolcs.

Sinundan ito ng isa pang lindol, na may magnitude na 5.2, sa Matanao, Davao del Sur bandang alas-3:03 ng hapon, sabi ng Phivolcs.

Hinimok ng Malacañang ang publiko na manatiling kalmado pero maingat para sa posibleng aftershocks.

Tiniyak din ng Palasyo sa publiko na pinakilos na nito ang mga ahensiya ng gobyerno para tumugon sa pangangailangan ng mga apektado ng lindol.

Nasa Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte nang mangyari ang pagyanig pero tiniyak ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ligtas ang chief executive, maging ang kaniyang pamilya.

Nagkaroon din ng brownout sa isang bahagi ng Davao City matapos sumabog ang isang transformer ng kuryente.

Nagsilabasan din ang mga tao mula sa Gaisano Mall sa Bajada, Davao City nang maramdaman ang pagyanig.

Sa Padada, Davao del Sur, apat ang sugatan sa pagguho ng pader sa palengke.

Gumuho rin ang gusali ng isang grocery store sa bayan.

Sa Magsaysay, Davao del Sur, 14 ang nasagip matapos magtamo ng minor injuries, ayon sa municipal disaster officer na si Anthony Allada.

Patuloy namang nararanasan ang mga aftershock sa ilang bahagi ng Mindanao.

Nagkansela naman ng klase para sa Lunes, Disyembre 16, ang ilang lugar sa Mindanao kasunod ng lindol.

Noong Oktubre, 3 malalakas na lindol, na may magnitude na nasa 6 pataas, ang yumanig sa Mindanao.

-- Ulat ni Paul Palacio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.