Baclaran street vendors hiling na makapagtinda ngayong Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2019 03:34 PM | Updated as of Dec 15 2019 06:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umapela sa mga awtoridad ang mga vendor sa Baclaran, Parañaque na payagan silang makapaglatag ng mga puwesto sa mga kalye at bangketa ngayong Pasko para makapaghanapbuhay.

Inamin ng tinderang si Aira Turing na pagod na siyang makipaghabulan at magpabalik-balik sa paglatag ng mga paninda tuwing may clearing operations.

Ang pagtitinda sa Baclaran lang daw ang kabuhayan nilang mag-asawa para maitaguyod ang 2 maliliit na anak.

"'Pag hinahabol nila kami, kung saan-saan kami nakakarating tapos babalik uli kami. Gusto lang naming makalatag nang maayos," ani Turing.

Gusto rin ni Malou Legaspi na makapagbenta ng mga damit kahit ngayong Pasko lang.

"Ngayon lang naman, magpa-Pasko, 'yun lang naman ang hinihiling namin, pagbigyan kami," aniya.

Ayon kay Ding Soriano, administrator ng Parañaque City Hall, may sulat na ang mga vendor na inendorso ng Malacañang sa pamahalaang lokal.

Pero tali raw ang kamay ng pamahalaang lokal sa utos ng Department of the Interior and Local Government
(DILG).

"Hindi po natin [papayagan] hangga't hindi po tayo makakatanggap ng pag-sangayon ng DILG kasi mahirap nang mapasubo," ani Soriano.

Mahigpit ang direktiba ng DILG na linisin ang mga kalsada sa mga obstruction, kabilang ang mga vendor, na nakadadagdag umano sa pagsikip ng daloy ng trapiko.

Ayon kay Soriano, magdamagan na ang deployment ng mga tauhan ng pamahalaang lokal para bantayan ang paligid ng Baclaran.

May isinusulong din ang pamahalaang lokal ng Parañaque na multi-level market sa bahagi ng Roxas Boulevard pero hinihintay pa raw ang pahintulot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para rito.

Bukod sa Baclaran, tuloy rin ang clearing operations sa mga vendor sa mga kalsada ng Divisoria, Maynila.

Iginiit ni MMDA traffic czar Bong Nebrija na walang patawad ang kanilang direktiba ukol sa pagpapaluwag ng mga kalsada kahit Pasko.

"We cannot be selective of the season dahil kapag pinagbigyan mo ng Pasko, ang susunod na pakiusap, 'Sir, pasukan naman, enrollment,'" paliwanag ni Nebrija.

"So repetitive. It's a cycle eh na hindi namin puwedeng pagbigyan," aniya.

Dapat magkaroon ng contingency plan o magtalaga ng lugar ang mga alkalde kung saan puwedeng magtinda ang mga vendor, sabi naman ni DILG Undersecretary Martin Diño.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.